Home NATIONWIDE Lalaki arestado sa panggugulo at marijuana sa BGC

Lalaki arestado sa panggugulo at marijuana sa BGC

MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang 46-anyos na lalaki dahil sa panggugulo at pagdadala ng hinihinalang high-grade marijuana o kush sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig nitong Marso 22.

Sa ulat nitong Lunes, Marso 25, sinabi ng Southern Police District (SPD) na naaresto ng Taguig police ang suspek na si “Elmer”, sa 29th Street, corner Rizal Drive, makaraang makatanggap ng sumbong mula sa dalawang complainant.

Batay sa salaysay ng complainants, sakay ang suspek ng isang pickup truck nang huminto ito sa harap nila, itinaas ang gitnang daliri at sila ay pinagmumura.

Dagdag pa, nagbanta rin ito na susunugin niya ang pamilya ng dalawa.

Dalawang beses na bumalik sa lugar ang suspek at ginawa ulit ang mga aksyong ito, dahilan para humingi na ng tulong ang mga biktima sa mga awtoridad.

Nang matunton ang suspek, nakitaan din ng illegal na droga ang suspek na nasa loob ng sasakyan nito. Ito ay isang canister na naglalaman ng pinatuyong dahon na may mga buto, na pinaniniwalaang marijuana.

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya si Elmer at nahaharap sa reklamong alarm and scandal at paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Inisyuhan din ito ng ordinance violation receipt dahil sa reckless driving.

Samantala, naiturn-over na ang illegal na drogang nasamsam sa SPD Forensic Unit para sa laboratory testing. RNT/JGC

Previous articleAfternoon work, classes sa Tacloban sa Miyerkules Santo, suspendido
Next article3 bahay naabo sa cellphone