MANILA, Philippines – Isang 43-anyos na lalaki ang namatay makaraang pagtulungang bugbugin nang napagkamalang pumasok sa isang bahay sa Trece Martires City, Cavite nitong Biyernes ng gabi, Mayo 1.
Sa report ng pulisya, nadala pa sa Gen Emilio Aguinaldo Hospital ang biktimang si alyas Michael, 43, binata at residente ng Summer Homes, Brgy Cabuco ng nasabing lungsod subalit hindi na ito umabot nang buhay dahil sa tinamong sugat.
Nakilala naman ang isa sa suspek na si alyas Adak at ilang kalalakihan na tumakas matapos ang insidente.
Batay sa ulat, bandang alas-11:35 ng gabi nang pagtulungang bugbugin umano ang biktima ng suspek na si Adak at ilang kalalakihan matapos na mapagbintangang pumasok sa ilang bahay sa lugar.
Natigil lamang ang pagkuyog nang dumating ang mga barangay tanod kaya dinala muna ito sa Barangay Hall kung saan ginamot ang kanyang sugat saka kinontak ang kapatid nito na malapit lamang sa lugar pero napansin na lumalala ang kanyang kondisyon kaya isinugod sa opsital subalit hindi na nakaligtas ang biktima. MARGIE BAUTISTA