RIZAL, Philippines – Tinutukoy na ngayon ng mga awtoridad ang isang lalaki na natagpuang patay na may hiwa sa leeg at putol na kamay sa isang sementeryo sa Barangay San Juan, Taytay, Rizal.
Sinabi ng Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO) na ang bangkay ay natuklasan dakong alas-5:30 ng umaga noong Sabado, Disyembre 7, ng isang naka-duty sa sementeryo.
Agad namang iniulat ng saksi ang insidente matapos matagpuan ang biktima na nakahandusay sa lupa at naliligo sa dugo.
Natagpuan din ang isang kutsilyo malapit sa katawan.
Siya ay tinatayang nasa pagitan ng 40 at 50 taong gulang at nakasuot ng kulay abo at pulang sando na may itim na shorts.
Patuloy ang imbestigasyon ng Taytay Municipal Police Station para matukoy ang biktima at ang suspek na responsable sa pagpatay. RNT/MND