CAGAYAN-TINAGA sa ulo ang isang lalaki ng kanyang kainuman matapos gayahin ng una ang kanta sa huli habang sila ay nag-iinuman at videoke sa bahay ng kanilang kaibigan, kahapon, Oktubre 13 sa bayan ng Baggao.
Ginagamot ngayon sa ospital ang biktimang si Juanito Cabaruan, 63, habang nadakip naman ang suspek na si Jesus Alonzo, 63 anyos, magsasaka at kapwa residente Brgy. Tallang, Baggao, Cagayan.
Ayon kay Plt.Col. Osmundo Mamanao, hepe ng Baggao Police Station, bago ang krimen nag-iinuman ang dalawa sa bahay ng kanilang kaibigan na nagngangalang Edmund at kakantahan.
Habang nasa gitna ng inuman, kumanta ang suspek subalit pagkatapos nito ay muli umanong inawit ng biktima ang kanyang kanta.
Dahil dito, umuwi ang suspek sa kanilang bahay at inaabangan ang biktima na umuwi ng bahay saka niya ito pinagsasaksak sa ulo.
Nagawa naman makahingi ng tulong ang biktima at narinig ni Edmund na may sumisigaw na “papatayin ako”.
Agad naman humingi ng tulong si Edmund sa mga awtoridad at dinala sa ospital ang biktima para lapatan ng lunas.
Sinampahan naman ng kasong frustrated murder ang suspek sa Baggao Provincial Prosecutor’s Office. Mary Anne Sapico