MANILA, Philippines- Kinasuhan na ng Department of Justice sa korte si Gian Carlo Maningo na nag-post sa social media ng milyong pisong pabuya sa sinuman umanong makapapatay sa ilang opisyal ng pamahalaan at magpapasabog sa mga tanggapan ng Commission on Elections (Comelec).
Isinampa ng DOJ sa Mandaue City RTC ang kasong paglabag sa Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Act kaugnay sa Cybercrime Prevention Act.
Matapos ang inquest investigation, kumbinsido ang mga piskal na may prima facie evidence para kasuhan si Maningo.
Walang inirekomendang piyansa ang piskalya.
Nakasaad sa impormasyong isinampa sa korte, ipinost umano ng akusado sa kanyang Facebook account na may ₱10 milyong pabuya sa makapapatay kina Comelec Commissioner George Erwin Garcia, Cebu Gov. Gwendolyn Garcia at Cebu City Mayor Raymond Garcia.
Batay sa naturang post, mayroon din umanong P5 milyong reward sa sinumang makapagbobomba sa anumang Comelec sites.
Nakasaad sa DOJ resolution na layon ng post umano ni Maningo na magkalat ng takot at pangamba. Teresa Tavares