BULACAN, Philippines – Arestado ang isang indibiduwal matapos mahulihan ng baril sa buy-bust operation ng pulisya sa bayan ng Bustos nitong gabi ng Hulyo 31.
Sa ulat ni PCPT Heherson Zambale, hepe ng Bustos police station, isinagawa ang operasyon bandang 9:40 ng gabi sa Brgy. Buisan.
Aniya, nakilala lamang ang naarestong suspek sa alyas “Edwin” na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002).
Nabatid na hinuli ang suspek nang ipagbili ang isang caliber .38 revolver na walang kaukulang lisensya sa isang police poseur buyer kapalit ng P2,000 buy-bust money.
Sa isinagawang body search, bukod sa baril ay nasamsam din sa suspek ang apat na sachets ng hinihinalang shabu na tumimbang ng tatlong gramo at may standard drug price na P20,400.
Sinasabing agad ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan at dinala ito kasama ang mga ebidensya sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa drug testing, laboratory examination at ballistic examination ng nakumpiskang baril.
Kaugnay nito, pinuri ni PCOL Jay Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office ang matagumpay na operasyon at nagsabing patuloy nilang paiigtingin ang kampanya laban sa lahat ng uri ng kriminalidad upang mapanatili ang kapayapaan ng mamamayan sa lalawigang ito. (Dick Mirasol III)