MANILA, Philippines – Inaresto ng National Bureau of Investigation ang isang lalaki na sinasabing kalihim ng Office of the President sa Land Transportation Office.
Ayon sa isang pahayag nitong Martes, Agosto 20, sinabi ng NBI na nagpakilala ang lalaki bilang isang “Juanito Tan De Veyra, Ph. D.” nang tangka niyang mag-apply ng special plate sa LTO-National Capital Region noong Agosto 15.
Nagpakita rin ito ng business card na may pangalan niya at bilang “Secretary” sa ilalim ng “Office of the President, Committee on Flagship Programs & Projects.”
Nagsagawa ng affidavit ang LTO-NCR na nagkukumpirma sa insidente at inilatag ang entrapment operation.
Noong Agosto 16, inaresto ng mga operatiba ng NBI Special Task Force si De Veyra nang dumating upang mag-follow-up sa kanyang transaksyon at muling nagpakilala bilang kalihim at sinabing maaari siyang magbigay ng mga proyektong pang-imprastraktura sa mga kontratista ng gobyerno.
“The Office of the President-Presidential Management Staff Certification disclosed that Juanito Tan De Veyra is not appointed by the President as Secretary of the Presidential Committee. Further, there is no office as Presidential Committee on Flagship Programs & Projects as of date,” sabi ng NBI.
Si De Veyra ay kasalukuyang sumasailalim sa inquest proceedings ayon sa NBI. Jocelyn Tabangcura-Domenden