Home METRO Lalaking nang-hostage sa anak na sanggol nag-sorry

Lalaking nang-hostage sa anak na sanggol nag-sorry

MANILA, Philippines- Humingi ng kapatawaran sa kanyang pamilya ang 26-anyos na ama na nang-hostage sa sariling anak noong Sabado.

“Wala pong pananadya po doon sa nangyari po na may patalim po. Kasi nga po hindi ko po alam. Sobrang dilim na dilim ng isip ko,” sabi ng suspek ayon sa ulat nitong Martes.

“Patawad, mga anak. Hindi ko intensiyon lahat ng nangyari. Humihingi po ako ng tawad sa aking asawa. Hindi ko gusto ‘yung lahat ng nangyari. Patawarin n’yo ako. Gusto ko ulit makasama, gusto ko ulit mabuo ‘yung pamilya natin,” wika pa ng suspek habang lumuluha sa selda sa Taytay Municipal Police Station.

Ayon sa mga awtoridad, naganap ang hostage-taking sa Barangay Sta Ana bandang alas-7 ng umaga noong Sabado.

Sinabi ni Rizal Provincial Police Office Director Police Colonel Felipe Maraggun na dati nang inakusahan ang suspek ng kanyang live-in partner ng ilang ulit na panghahalay sa kanyang 13-anyos na anak ng babae.

Dagdag ng kinakasama ng suspek, nagtungo sa probinsya ang huli subalit hindi nila napansing bumalik ito sa bahay noong Sabado ng gabi.

Pagdating, tumakbo ito sa highway karga ang sanggol na anak. Itiniwarik niya ang paslit at sinabing hindi lamang siya ang mamamatay sa gabing iyon.

Matapos ang negosasyon, sumuko ang suspek sa mga awtoridad.

Nagtamo ang sanggol ng minor wounds sa kanyang leeg kung saan itinapat ng ama ang patalim.

Sa isang panayam, sinabi ng kinakasamang babae na nahuli niya dati ang suspek sa aktong panggagahasa sa kanyang 13-anyos na anak habang nakikita ito ng kambal nilang anak.

“Sa korte na lang po ako magsasalita… Sa korte na lang po, Ma’m,” komento ng suspek hinggil sa alegasyong panghahalay.

Naghain na nagreklamo ang mga awtoridad laban sa suspek para sa paglabag sa Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004; alarm and scandal; at illegal possession of bladed weapon.

Base kay Police Lieutenant Colonel Marlo Solero, hepe ng Taytay Municipal Police Station, posibleng kasuhan pa ang suspek dahil sa umano’y panggagahasa.

“Siguro this week ‘pag nakumpleto na ng investigator natin ‘yung mga documents para sa kasong [paglabag sa RA] 9262. ‘Yun ‘yung alleged na pangmomolestiya niya du’n sa 13-year-old na stepdaughter,” ani Solero.

Samantala, nasa maayos na kondisyon na ang isang taong gulang na bata na hinostage.

“Okay naman ‘yung bata, ‘yung one-year-old na bata na na-hostage. Malusog siya,” pahayag ni Solero. RNT/SA