Home OPINION LANDSLIDE NI MARCE AT TAMANG RELOKASYON

LANDSLIDE NI MARCE AT TAMANG RELOKASYON

SINABI ng Department of Environment and Natural Resources na may mahigit 1,000 barangay ang landslide prone area sa lugar na dinaraanan ng bagyong Marce.

Karaniwang ipinapasa ng DENR sa mga panlalawigan, panlungsod at pambayan ang mga datos na ito at ipinapasa naman sa mga pamahalaang pambarangay.

Sa karanasan o obserbasyon ng ULTIMATUM, mga Bro, may pambayan o panlungsod o pambarangay na chatgroup na roon inilalabas naman ang balita mula sa DENR para bigyan ng babala ang mga taong nakatira sa mga delikado o landslide prone na barangay.

Ang iba naman, pinaiikot ang mga tanod o kagawad sa mga delikadong lugar at gumagamit ng mga loud speaker para ipaalam ang mga natatagpuang delikadong lugar.

Sapat na ba, sa palagay ninyo, ang ganitong pagbababala ng gobyerno sa mga mamamayan at itinataon sa mga panahon ng bagyo, baha at landslide?

At karaniwang kapag may bagyo, baha at landslide at may mga namatay, nasugatan at missing, sinisisi ang mga mamamayan sa katigasan umano ng ulo ng mga ito at walang kusang magbakwit at kailangan pa silang pilitin.

HINDI SAPAT ANG BABALA

Para sa mga mamamayan, hindi sapat ang babala, maging ang sisihan sa mga oras, araw, linggo at buwan ng disgrasya.

Kauna-unahan diyan na problema ang karaniwang kawalan ng pambili ng lupa sa mga ligtas na lugar.

Lalo’t napakamahal na ang mga lupa.

Marami sa mga nakatira sa mga delikadong lugar ang mga magsasaka o mangangahoy o mangingisda na karaniwang isang kahig isang tuka o dalawa hanggang 10 kahig isang tuka.

Paano mo maaasahan ang mga ganitong uri ng mamamayan na makabili ng mga ligtas sa panganib na lupa?

MGA KONGRESMAN NAMAMAKYAW NG LUPA

Alam ba ninyo ang nakatutulig na balita?

May mga kongresman pala na tagapakyaw ng mga lupa na magaganda at hindi delikadong lugar.

Bukas na bukas pala ang mga lupa na nakasangla sa mga bangko sa mga kongresman at suki ng mga bangko ang mga kongresman sa bilihan ng lupa.

Dahil nagmamahal ang mga lupa na pinapakyaw ng mga kongresman, anak ng tokwa, paano lilipat nang kusa ang mga pobreng mga nasa landslide prone at bahaing lugar?

At paano naman ang mga nagiging iskwater sa mga landslide prone area makaraang matituluhan ng iba ang mga ito sa kabila ng lifetime nang paninirahan o posesyon nila sa lugar?

RELOKASYON GAWIN NG GOBYERNO

Batay sa karaniwang kawalan ng kakakayan ng mga mamamayan na bumili ng mga lupang pinakyaw na ng mga kongresman at iba pang mayayaman, dapat nang balikatin ng gobyerno ang relokasyon.

Bagma’t magandang tingnan ang mga opisyal ng gobyerno na namimigay ng relief goods sa mga biktima ng landslide at baha, dapat alalahaning galing sa buwis ng taumbayan ang kanilang ipinamimigay at hindi galing sa kanilang bulsa.

Para maiwasan na ang pagiging pekeng bayani ng mga opisyal, dapat seryosohin nila ang relokasyon na may ligtas at makataong kalagayan.