MARAHIL ay pilit na ikinukubli ang pagsisisi para makaiwas sa negatibo at maanghang na public comment si dating Senador Sonny Trillanes kung bakit tumakbong alkalde ng Caloocan City.
Kung pagbabasehan kasi ang survey ng Social Weather Station at iba pang pollsters, walang kapana-panalo ang Magdalo rebel leader sa katunggaling si incumbent City Mayor Gonzalo Dale ‘Along’ Malapitan.
Sa pinakahuling survey ng SWS matapos ang filing of candidacy, noong Oktubre 20, si Malapitan ay nakakuha ng 81 porsiyento kumpara sa 15 % ni Trillanes – sa race for mayor ng lungsod. Sa salitang basketball sa kanto, kumbaga’y ‘murder’ si Trillanes sa laki ng agwat ng iskor kaya mistulang ‘minurder’ siya nang tinawag na ‘dynamo” sa ‘di humihintong pag-unlad ng Caloocan.
Ibig sabihin lang ng SWS survey, si Mayor Along ay nananatiling paboritong kandidato para sa nalalapit na 2025 lokal na halalan. Sa isa pang survey na isinagawa ng SWS noong Hulyo, apat sa bawat limang residente ay nagpahayag ng kasiyahan sa liderato ng alkalde, na inilarawang “dakilang lider” na ang pamamahala ay “produktibo,” “matulungin,” “epektibo,” at “madaling lapitan.”
Samantala, kinilala ng Philippine Chamber of Commerce and Industry ang lungsod sa mga inisyatibong maka-business-friendly, at ng Department of Finance para sa natatanging paglago ng kita mula sa lokal na pinagkukunan, bilang pang-walong Highly-Urbanized City sa bansa. Pinarangalan din ng Anti-Red Tape Authority ang lungsod ng Seal of eBoss Compliance para sa pagpapatupad ng ganap na awtomatikong Business One Stop Shop.
Dahil sa mahusay na pamumuno ay nangako din ang PCCI kay Mayor Along na susuportahan ang kanyang mga programang naglalayong maiangat ang mga negosyo sa lungsod.
Sa galing ng pamamahala ni Mayor Along, aba’y ‘di nga nakapagtatakang sa kangkungan pupulutin si Trillanes pagkatapos ng May 2025 midterm election.