MANILA, Philippines – Imbis na magpasalamat, saksak pa ang tinamo ng isang rider matapos na ihatid nito sa bahay ang kapwa nito rider na lasing sa Bacoor City, Cavite.
Ayon sa report, kinilala ang biktima na si Jose Alegre Y Dula, binata, 34, isang delivery boy na residente ng 567 Fourth St., Salinas 1, ng nasabing lungsod na nagtamo ng saksak sa katawan.
Nagsasagawa naman ng manhunt operation ang pulisya sa suspek na kasamahan at kapwa rider na si alyas Tatu, na nakatira sa Bayan Luma 3, Imus City, Cavite.
Base sa ginawang imbestigasyon, nag-inuman na umabot ng madaling araw at nang natapos ay inihatid pa ng biktima ang suspek sakay sa kanyang motorsiklo pauwi sa kanilang bahay.
Nang nakarating sila sa bahay ng suspek, sa hindi nabatid na dahilan ay bigla na lang inundayan ng saksak ng huli ang una gamit ang isang balisong saka tumakas.
Sa kabila ang tama ng saksak sa katawan ay nagawa pang makauwi ng biktima sakay ng kanyang motor at isinugod ng kanyang pamilya sa ospital.
Nahaharap sa kasong frustrated homicide ang suspek na hanggang ngayon ay nakalalaya pa. MARGIE BAUTISTA