MANILA, Philippines – Nanawagan ang Commission on Population and Development (CPD) nitong Biyernes, Marso 7, ng mas maraming employment opportunities para sa mga babae.
Ito ay kasabay ng pagdiriwang ng National Women’s Month.
Sa datos ng pamahalaan, nakita na mas maraming babae ang nakapagtapos ng kolehiyo at high school kaysa sa mga lalaki.
Sa kabila nito, sa 2021 labor force survey ng Philippine Statistics Authority, mas mababa ang labor force participation rate ng mga babae sa 51.2% kumpara sa mga lalaki na 75.4 percent.
Mas mataas din ang unemployment rate sa mga babae sa 8.2 percent kumpara sa mga lalaki na 7.5 percent lamang.
May mataas din na proportion ng unpaid family women workers sa 11.3 percent, kumpara sa mga lalaki na 4.7 percent.
Sa pag-aaral na inilabas noong Pebrero ng Congressional Policy and Budget Research Department, isang think tank ng Kamara, mas maraming babaeng manggagawa ang nakapagtapos ng high school at kolehiyo kumpara sa mga lalaking manggagawa.
Sa 2021 labor force survey ng Philippine Statistics Authority, nasa 14.5 percent ng mga kababaihan ang nakapagtapos ng kolehiyo, kumpara sa mga lalaki na 10.5 percent lamang.
Ganito rin ang sitwasyon sa mga nakapagtapos ng high school kung saan 84.8 percent ng mga kababaihan ang nakapagtapos ng high school, kumpara sa mga lalaki na may completion rate na 81.4 percent lamang.
Sa pahayag, sinabi ni CPD executive director Lisa Grace Bersales na, “We have come a long way, but we still have more work to do. We need more opportunities, particularly in fields that are dominated by men.” RNT/JGC