Home NATIONWIDE Lawak ng pag-eespiya sa bansa, “nakababahala” — Teodoro

Lawak ng pag-eespiya sa bansa, “nakababahala” — Teodoro

110
0

MANILA, Philippines — Inilarawan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. bilang “worrisome” ang lawak ng umano’y espionage network sa Pilipinas at nanawagan ng agarang pagpapatibay ng mas matibay na batas upang mapanagot ang mga sangkot, kabilang ang mga tumulong sa kanila.

“It is worrisome. Kaya nga siniseryoso namin. Let’s put it that way. At I’m very happy na yung mga efforts ay natutumbok itong mga network na ito,” ani Teodoro sa isang ambush interview.

Binigyang-diin niya na nahahadlangan ang pag-usad ng kaso dahil sa kakulangan ng sapat na legal na balangkas.

“We hope lang itong espionage laws ma-consolidate na ma-enact at the soonest possible time para ma-prosecute itong mga ito at yung importante din ma-prosecute yung mga nag-enable nito,” aniya.

“Talagang concerning ’yan, hindi lang sa atin, kundi sa maraming bansa. Pero nakakarinig naman tayo sa ibang bansa ng mga prosecution. Dito, gawa ng kakulangan ng batas, ang prosecutions ay walang nangyayari,” dagdag niya.

Tumanggi si Teodoro na magbigay ng detalye kung may iba pang opisyal ng gobyerno na sangkot, ngunit kinumpirma na nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Ang pahayag ay kasunod ng pagkakadakip sa tatlong Pilipino na iniuugnay sa umano’y Chinese-linked espionage. Sinasabing ang mga ito ay may kaugnayan sa Department of National Defense, Philippine Navy, at may malapit na akses sa isang miyembro ng Philippine Coast Guard.

Samantala, itinanggi ng Chinese Embassy sa Maynila ang anumang kaugnayan sa naturang mga alegasyon ng espiya. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here