MANILA, Philippines — Umakyat na sa 135 ang bilang ng mga pasyenteng may leptospirosis na naka-admit sa San Lazaro Hospital kasunod ng mga pagbaha dulot ng malalakas na pag-ulan.
Kinumpirma ito ni Dr. David Suplico, medical center chief ng ospital. Kabilang sa kabuuang bilang ang 31 bagong kaso na naitala mula kahapon hanggang alas-7 ng umaga nitong Martes.
Ayon kay Suplico, lumampas na ang bilang ng mga pasyente sa nakalaang 120 kama para sa mga tinamaan ng leptospirosis.
Puno na rin ang 10-bed capacity ng emergency room, habang marami pang pasyente ang naghihintay na mabigyan ng kama.
Pinayuhan ni Suplico ang mga lumusong sa baha at nakaranas ng lagnat na agad magpakonsulta upang maagapan ang sakit habang mild o moderate pa ang kondisyon.
Paliwanag niya, mas mahirap nang gamutin ang severe leptospirosis cases. Umaabot umano sa 50% ang mortality rate ng mga pasyenteng malala na ang kondisyon nang magpatingin.
Nauna nang sinabi ng Department of Health na maaaring patuloy pang tumaas ang bilang ng mga kaso sa susunod na isa hanggang dalawang linggo dahil sa incubation period ng sakit matapos ang mga pagbaha.