MANILA, Philippines – Idineklarang hostile witness ng impeachment court nitong Martes si Office of the Vice President (OVP) assistant chief-of-staff Lemuel Ortonio, kaya maaari nang gumamit ng leading questions ang House prosecution sa direktang pagtatanong sa kanya.
Si Ortonio ang ikalawang prosecution witness na idineklarang hostile habang tinatalakay ng impeachment court ang alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Ang hostile witness ay testigong tinawag ng isang partido upang tumestigo ngunit maaaring may interes o posisyong hindi pabor sa partidong tumawag sa kanya.
Hiniling ni private prosecutor Mae Divinagracia na ideklarang hostile si Ortonio upang patunayan ang ilang alegasyon ng prosecution, kabilang ang:
–Walang lehitimong confidential purpose ang confidential funds ng OVP.
–May kaugnayan ang bise presidente sa mahahalagang dokumento.
–Ang mga ulat umano ay inayos upang umayon sa mga patakaran at hindi sa aktuwal na mga pangyayari.
–Limang araw matapos kuwestiyunin ng Commission on Audit (COA) ang medical-and-food-aid item, nawala ito sa ulat ngunit nanatiling eksaktong P125 milyon ang kabuuang halaga.
–Sa loob ng dalawang taon, walang partikular na lugar o operasyon ang tinukoy para sa paggamit ng confidential funds.
–Huli, iregular at back-dated umano ang liquidation.
–Ang mga certification ay hindi umano sapat na patunay at nilagdaan pa ng taong tumanggap ng pera.
–Ang P500 milyon ay umano’y ginamit para sa seguridad na mayroon nang mandato ang AFP at PNP.
–Nagbabago umano ang mga paliwanag tungkol sa confidential funds sa bawat natutuklasang problema.
–Ang kabiguang maipaliwanag at ma-account ang pondo ay maaaring magbunga ng presumption of misappropriation.
Samantala, sinabi ng defense counsel na si Kristine Ferrer na ang 11 punto ng prosecution ay pawang mga konklusyon, haka-haka at teorya na hindi pa napapatunayan sa korte.
“I think it has been established that Ortonio serves at the pleasure of the vice president, and has been working for her for quite some time and is serving up to now—and that if the vice president is impeached and therefore removed from office pati kayo matatanggal,” ani presiding officer at Senator-Judge Francis Escudero.
Dahil dito, sinabi ni Escudero na idinedeklara ng impeachment court si Ortonio bilang hostile witness dahil sa kanyang adverse interest sa respondent at prosecution.
Bukod sa pagiging assistant chief-of-staff, nagsisilbi rin si Ortonio bilang assistant secretary ng OVP. RNT/MDS