Home NATIONWIDE Level 5 naabot ng PH sa Asia Pacific Integrated Index for Postal...

Level 5 naabot ng PH sa Asia Pacific Integrated Index for Postal Development (2IPD) ng Universal Postal Union

MANILA, Philippines- Nakamit ng Pilipinas ang isang tagumpay matapos umangat sa Level 5 sa Integrated Index for Postal Development (2IPD) ng Universal Postal Union (UPU). Sa pandaigdigang ranggo, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may mataas na antas ng postal development, habang nasa ika-10 pwesto naman ang Japan bilang pinakamataas.

Ang pagkilalang ito ay patunay ng patuloy na pagsusumikap ng bansa na pagbutihin ang serbisyo ng koreo, na nakatuon sa good governance at pagpapalakas ng konektibidad sa buong bansa, mula sa pagiging Level 4 lamang noong 2022 at 2023.

Inanunsyo ang nasabing tagumpay sa Asian-Pacific Postal Leaders Forum sa Jaipur, India, na inisponsor ng UPU, APPU, Pamahalaan ng India, at India Post.

Ang 2IPD ranking, na inilalabas ng UPU, ay sumusukat sa kakayahan ng postal services sa buong mundo gamit ang apat na sukatan gaya ng reliability (kahusayan), reach (saklaw), relevance (kaugnayan), at resilience (katatagan).

Sinabi ni Postmaster General at CEO Luis D. Carlos na ang pag-angat ng Pilipinas ay bunga ng mga inisyatiba ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) upang gawing moderno at mas efficient ang mga serbisyo nito, alinsunod sa pandaigdigang pamantayan habang pinapahalagahan ang mabuting pamamahala at transparency.

Noong 2023, nasa Level 4 lamang ang bansa kaya naman ang pag-angat ng isang antas sa loob lamang ng isang taon ay isang malaking tagumpay.

Pinasalamatan niya ang Assistant Postmaster Generals, Area Directors, Board of Directors, at lahat ng empleyado ng PHLPost na patuloy na nagsisikap upang mapabuti ang serbisyo ng koreo sa Pilipinas.

Nakipagtulungan din ang PHLPost sa mga pandaigdigang partners upang mapalakas ang kahusayan ng operasyon nito.

Ang scorecard na ito ay batay sa International Quality of Service (IQRS) system, isang sistema ng pagsusuri na sumusukat sa kahusayan at pagiging maaasahan ng postal services. Saklaw nito ang on-time delivery o pagsunod sa itinakdang transit time para sa international mail, end-to-end tracking, katumpakan ng datos, at pagsunod sa mga operational compliance.

Isa sa mga pangunahing dahilan ng pag-angat ng ranggo ng Pilipinas ay ang pagpapahusay ng mail at parcel delivery system pati na rin ang pagpapalawak ng pakikipagtulungan sa mga e-commerce platforms.

Sa pamamagitan nito ay mas mabilis at abot-kaya na ang serbisyo ng PHLPost, na may 40% na mas mababang presyo sa domestic at international express mail delivery kumpara sa mga nangungunang courier sa bansa.

Bukod sa teknikal na aspeto ng serbisyo, pinalalakas din ng PHLPost ang good governance at transparency sa pamamagitan ng mahigpit na accountability measures, pagsunod sa etikal na pamamaraan, at pagpapalakas ng tiwala ng publiko sa kanilang serbisyo.

Nananatiling layunin ng PHLPost na gawing mas mabilis, abot-kaya, at maaasahan ang serbisyo ng koreo para sa bawat Pilipino. Jocelyn Tabangcura-Domenden