Home NATIONWIDE Mga kandidato bawal ‘umepal’ sa pamamahagi ng tulong ng DSWD

Mga kandidato bawal ‘umepal’ sa pamamahagi ng tulong ng DSWD

MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bawal “umepal” ang sinumang politiko at kandidato sa mga ipinamamahaging tulong ng ahensya ngayon panahon ng halalan.

Kaugnay nito, umaasa si DSWD Asst Secretary at Spokesperson Irene Dumlao, na hindi maaaring magamit ng mga politiko ang ginagawang pagkakaloob ng tulong sa mga tao ng DSWD dahil ang payout ay ginagawa sa DSWD offices at bawal ang mga kandidato na makiisa rito at bawal din ang paglalagay ng campaign materials.

Kung ang payout aniya ay gagawin sa labas ng bakuran ng DSWD, may field officers naman na nakabantay sa payout area para maiwasan ang pag-“epal” ng mga kandidato.

“Di po kami pumapayag sa DSWD na magamit ang mga pinagkakaloob naming tulong sa mga nangangailangan, may mga tauhan po kami na nakabantay sa pay out area para hindi magamit ng mga kandidato ang DSWD,” sinabi pa ni Dumlao.

Samantala tiniyak ng DSWD sa payout areas na dapat walang campaign materials at walang kandidato sa payout area.

Bunsod nito, nilinaw din ni Dumlao na ang 4Ps beneficiaries na nasa survival level o walang kakayahang makabili ng cellphone ang tanging pagkalooban ng mobile phone ng ahensya para magamit sa pagtanggap nila ng financial support sa pamamagitan ng Gcash.

Kaugnay nito, hinikayat din ni Dumlao ang 4Ps beneficiaries na binigyan ng mobile phones na ingatan at gamitin lamang sa wasto at nararapat ang mga naipagkaloob na telepono. Santi Celario