Home NATIONWIDE Libreng sakay sa LRT-2 alok sa solo parents sa Abril 20

Libreng sakay sa LRT-2 alok sa solo parents sa Abril 20

MANILA, Philippines – May alok na libreng sakay ang Light Rail Transit (LRT) Line 2 sa mga solo parents sa piling oras sa Sabado, Abril 20 bilang paggunita sa National Solo Parents’ Day.

Ayon sa Light Rail Transit Authority (LRTA), kailangan lamang ipakita ng mga single parent ang kanilang Solo Parent’s Identification Card o Solo Parent Certificate of Eligibility para makasakay nang libre sa tren mula alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga, at alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.

“Ayon sa pamunuan ng LRTA, ang libreng sakay sa LRT-2 ay para makapagbigay ng inspirasyon sa mga solo parent na mag-isang itinataguyod ang kanilang pamilya,” saad sa Facebook post ng LRTA.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11861, o ang Expanded Solo Parents Welfare Act, idinedeklara ang ikatlong linggo o ikatlong Sabado ng Abril bilang Solo Parents Week at National Solo Parents’ Day.

Ito ay upang alalahanin ang ambag ng bawat single parent sa bansa. RNT/JGC