JONES, ISABELA- Tuluyan ng naaresto ang isang mataas na opisyal ng Komiteng Probinsya (KOMPROB) Isabela na wanted sa kasong pagpatay matapos ang ikinasang operasyon ng pinagsanib puwersa ng 86th Infantry Battalion, Philippine Army, Philippine National Police (PNP), at ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa Barangay Villa Pascua, Diffun, Quirino.
Naaresto ang suspek na si Ramon Luis alyas Romeo Cudal/ Mon, 66 taong gulang, tubong Baracaoit, Gattaran, Cagayan sa bisa ng mandamiento de aresto sa kasong multiple murder na may criminal case number 24-8071 na inilabas ng Regional Trial Court Branch 24, Echague, Isabela.
Natunton ang pinagtataguan ni alyas Mon sa tulong din ng mga residente.
Napag-alaman na kasalukuyang Agrarian Revolution Officer ng Komiteng Probinsya Isabela, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV) si alyas Mon.
Naging kaanib ito ng makakaliwang grupo taong 1980 at itinalagang Secretary ng Sangay ng Partido sa Platun (SPP) – Gani, Central Front, Komiteng Rehiyon-Hilagang Silangang Luzon.
Bukod dito, naging kalihim rin ito ng Southern Front, Cagayan Valley Regional Committee noong 2022 at naging training officer ng Regional Sentro De Gravidad, KR-CV taong 2017.
Pansamantla nasa kustodiya ngayon ng pulisya ang akusado at walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kaniyang pansamantalang Kalayaan. Rey Velasco