Home OPINION LIFE BEGINS AT 40 SA POLICE LOVERS

LIFE BEGINS AT 40 SA POLICE LOVERS

PINUPULUTAN ngayon ng mga marites na pulis at mamamayan ang love story ng dalawang pulis na nahuli ng kani-kanilang mga mister at misis na pulis din sa isang sex scandal.

Dahil sa init ng panahon, natagpuang nag-init din ang katawan ng hindi pinangalanang lovers na pulis at pinagdiskitahan ang pagsi-sex para siguro maibsan ang init ng panahon.

Sa isang parking lot ng isang mall sa Brgy. Canlubang, Calamba City ginawa ang sex trip at dahil hindi maaninag ang loob ng SUV nilang ginawang kama, doon sila nagpasingaw ng init ng katawan.

Ang problema, anak ng tokwa, nasundan pala sila ng kani-kanilang mister at misis at nabulaga sila.

Nakitaan ang magsing-irog ng buhay na buhay na sex life at ewan na lang kung bilib sila sa paniniwalang life begins at 40.

Kasi naman, mga Bro, ang lalaking pulis, edad 40 at ang babae, 41.

Pero malas lang nila dahil maaaring hindi lang sila masibak sa pagkapulis kundi makulong din.

‘Yun ay kung tutuluyan silang sampahan ng kaso ng mga kanya-kanyang asawa.

At kung paiiralin ng Philippine National Police ang kapangyarihan nitong magdisiplina sa mga tauhan nito.

PINAGBABARIL

Ayon sa salaysay ng mister at misis na pulis na pinagtaksilan umano, matagal na silang may suspetsa na may nagaganap na misteryo sa pagitan ng kanilang mga asawa.

At nag-operate silang dalawa hanggang mahuli nila sa akto ang kanilang mga asawa na umano’y nagsi-sex sa malamig na SUV.

Nang mahuli ang dalawa, agad pang pinatakbo ang sasakyan para sila makaeskapo ngunit binaril ni mister policeman ang gulong nito.

Binaril din naman ni misis si mister sa paa at ngayo’y ginagamot na sa isang ospital.

Pero naitakbo ng babaeng pulis ang SUV patungong Batangas.

Kung nasaan na ito ngayon, hahabulin at hahanapin din ba ng mga detektib at mag-pakner na pulis?

Nasa kanila na iyon at nasa PNP na rin para sa paglilinis nito ng imahe.

ISKALAWAG NAKASISIRA

Ayon sa ating Uzi, kakaunti lang naman ang mga iskalawag mula sa 228,000 na pulis sa Pinas.

Pero nakasisira ang mga ito sa pangkabuuang imahe ng pulisya.

Akalain mo, hindi pa humuhupa ang kontrobersya sa bawasan sa timbang at halaga ng shabu sa Batangas, pumutok na naman itong sex life ng dalawang pulis.

Doon sa shabu sa Batangas, unang iniulat na nasa 2 tonelada at nagkakahalaga ng halos P14 bilyon.

Pero makalipas lang ng isang araw, nagsimula nang iulat na nasa 1.5 tonelada lang pala at mahigit lang na P9B ang halaga nito.

Kung paano nangyari ito, na kinaladkad pa nila si Pangulong Bongbong Marcos para sumaksi sa “pinakamalaking drogang nasamsam”, silang mga pulis, kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency, ang dapat na magpaliwanag.

UMAYOS-AYOS DAPAT

Mukha ng pamahalaan ang mga pulis at silang mga pulis ang isa sa pinakamalapit na sangay ng pamahalaan na humaharap sa mga mamamayan.

Kung ano ang ginagawa ng mga ito, ‘yun din ang paniniwalang gawa ng pamahalaan.

Paano kung mamamayani sa kaisipan ng mga mamamayan ang mga iskandalo sa hanay ng mga pulis sa halip na ang kanilang mga tunay pagpapakabayani sa pagtupad ng kanilang mga sinumpaang tungkulin?

Dapat mag-ayos-ayos ng sarili ang mga mamang pulis.