Home OPINION SERYOSONG TANONG

SERYOSONG TANONG

NATUWA lang ako sa naging viral na post ng isang netizen sa kalagayan natin ngayon. Ayon kay @Kid_Kilatis o si “Joe Taroogs” sa X/Twitter – “Bakit palagi na lang taumbayan ang kailangan mag-adjust” Bawasan ang gamit ng kuryente baka mag-brownout…bawasan ang gamit ng tubig…bawasan ang kinakaing kanin…umiwas sa rush hour…etc. Ang gobyerno kelan mag-aadjust ng serbisyo nila? Taasan n’yo naman ang kalidad!”

Bagama’t simpleng ‘rant’ o panggigil sa online, malalim ang puntirya nito. Tinatanong n’ya tayong mga ordinaryong tao kung kelan tayo magigising at kung kailan natin sisingilin ang pamahalaan na dapat ay gampanan na nito ang pangunahing tungkulin – ang mamahala nang wasto at siguruhin na komportable at maayos ang pamumuhay ng mga Pilipino.

Hindi nga naman pwede na ang sagot ng mga opisyal ng gobyerno ay wala na tayong magagawa kundi tiisin ang mga isyu at problema na kinakaharap natin. Kung walang kuryente, kulang ang tubig, mahal ang presyo ng bigas, mahirap mag-komyut, hindi tama na ang isasagot ng gobyerno ay intindihin ang sitasyon at magtiis.

Kaya nga may gobyerno at nagbabayad tayo ng buwis, para patakbuhin nang maayos ang mga serbisyo na para gumaan at gumanda ang mga buhay ng mga mamamayan, kasama na ang pagpapatuloy ng negosyo at kalakalan. Kaya nga ibinoto natin ang mga pulitiko para pamunuan ang gobyerno, para siguruhin nila na gugulong ang byurukrasya at babantayan ang patuloy na pagsisilbi ng pamahalaan para sa maayos na lipunan.

Ngayon, kung ang puro ‘excuses’ na lang ang ibibigay ng mga tao sa gobyerno at sabihin na mamamuluktot tayo ‘pag maiksi ang kumot, para namang walang silbi ang gobyerno natin n’yan. Nakalimutan siguro ng mga opisyal natin na malaking bahagi ng mga problemang hinaharap natin ay dahil na rin sa mga batas at polisiya ng gobyerno na palpak ang ideya, mali ang pagpapatupad o kaya ay bunsod na rin ng katiwalian o korapsyon.

Hindi seryoso ang gobyerno sa pagsisilbi sa bayan, kung ganito ang mga kataga ng mga opisyal  n’ya. Tama nga ang sinabi ng isang komentarista noon, “’pag ibinoto natin ang mga payaso, asahan mo “circus” ang gobyerno”.