MANILA, Philippines – Nanatiling umiiral ang kasunduan ng Pilipinas at Iran para sa ligtas na pagdaan ng mga barkong may bandilang Pilipino sa Strait of Hormuz sa kabila ng tumitinding tensyon sa rehiyon at mga ulat ng posibleng blockade ng Estados Unidos, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Lunes.
Sinabi ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na nananatiling epektibo ang naturang kaayusan kasunod ng special meeting ng mga foreign minister ng Southeast Asia.
“Well, the agreement between the Philippines and Iran through the discussions that we had will remain the same,” ani Lazaro.
Ayon pa sa kalihim, tuloy-tuloy ang koordinasyon sa mga otoridad ng Iran at muli siyang nakausap kamakailan ng Iranian ambassador to the Philippines kaugnay ng mga barkong Pilipino na inaasahang daraan sa naturang strait.
“Just last Saturday, the Iranian ambassador called me up in view of the two or three Philippine flag vessels that hopefully will be due to pass that Strait, I mean, the safe passage,” aniya.
Lalong tumindi ang tensyon sa rehiyon matapos mabigo ang peace talks sa pagitan ng United States at Iran, kasabay ng mga pahayag ni US President Donald Trump hinggil sa posibilidad ng blockade sa Strait of Hormuz.
Bilang ASEAN Chair, pinangunahan ni Lazaro ang ikalawang Special ASEAN Foreign Ministers’ Meeting on the Middle East noong Lunes, Abril 13, kung saan tinalakay ang energy security, food security, at kaligtasan ng mga mamamayan ng ASEAN na nagtatrabaho at bumibiyahe sa mga apektadong lugar.
“The discussion today was centering on the issues of energy security, food security, and as I said the safety of ASEAN nationals,” sabi ni Lazaro, at idinagdag na ang iniulat na blockade “is something that has been given as a background.”
Nagkasundo ang mga foreign minister ng ASEAN na paigtingin ang regional cooperation upang tugunan ang mga pagkaantala, partikular yaong nakaaapekto sa supply chains, mapanatiling bukas ang daloy ng kalakalan, at mapahusay ang koordinasyon sa food systems at crisis response mechanisms. Sinabi rin ni Lazaro na pinag-uusapan ang posibleng pagbuo ng ASEAN Foreign Minister’s Crisis Communications Protocol upang mapabilis ang konsultasyon at policy coordination sa panahon ng malalaking krisis.
“We also discussed the potential establishment of an ASEAN Foreign Minister’s Crisis Communications Protocol, which may be convened rapidly as needed at our level, to enable timely consultations, information sharing, and policy coordination among major crises affecting the region, with a focus on geoeconomic issues and shocks,” ani Lazaro.
Binigyang-diin din ng mga ministro ang kahalagahan ng pagprotekta sa mga seafarer na dumaraan sa high-risk routes at muling pinagtibay ang pagsunod sa international safety standards. Ayon kay Lazaro, nagpapatuloy rin ang pagtulong ng pamahalaan sa mga overseas Filipino worker na apektado ng sigalot, kabilang ang repatriation efforts.
Sa kabila ng umiiral na kawalang-katiyakan sa rehiyon, sinabi ni Lazaro na matutuloy pa rin ang 48th ASEAN Summit sa Cebu bagama’t sa mas payak na porma.
“It will be very simple, very austere, but it will be a face-to-face meeting among the leaders of ASEAN,” aniya, at idinagdag na nananatiling pangunahing prayoridad ng ASEAN ang usapin ng energy security, food security, at kaligtasan ng mga mamamayan nito. Dave Baluyot