MANILA, Philippines – Inihalal noong Sabado ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) si Lipa Archbishop Gilbert Garcera bilang susunod na pangulo nito.
Sa isang pahayag, sinabi ng CBCP na si Garcera, 66, ay uupo sa kanyang puwesto sa Disyembre 1, 2025.
Siya ay hahalili kay Cardinal Pablo Virglio David ng Kalookan na magtatapos sa kanyang ikalawa at huling termino bilang pangulo sa Nobyembre.
Kasalukuyang nagsisilbi si Garcera bilang kinatawan ng rehyon para sa Southeast Luzon sa CBCP Pemanent Council.
Maliban dito, si Garcera ay dating tagapangulo ng CBCP Commission on Mission at Commission on Family and Life, sabi ng CBCP.
Naordinahang pari si Garcera para sa Archdiocese of Caceres noong 1983 ay naitalaga bilang Obispo ng Daet noong 2007.
Nagsilbi rin ang arsobispo sa loob ng Federation of Asian Bishops’ Conferences bilang chairman ng Office on Laity and Family at bilang direktor ng taunang Synodal Leadership for Asian Bishops Seminar nito.
Noong 2014, naging isa si Garcera sa tatlong obispo ng Pilipinas na nagsilbi bilang mga delegado sa Synod on the Family sa Vatican. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)