Home METRO Lisensya ng truck driver na nasangkot sa Batasan-San Mateo road crash binawi...

Lisensya ng truck driver na nasangkot sa Batasan-San Mateo road crash binawi ng LTO

319
0

MANILA, Philippines- Alinsunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa mga pasaway na motorista, binawi ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang lisensya ng truck driver na sangkot sa malagim na aksidente sa Quezon City noong Mayo 28.

Sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, binawi ang lisensya ng driver matapos itong magpositibo sa mandatory drug test na isinagawa kaugnay ng aksidenteng ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat nang malubha ng ilan pang motorista sa Batasan-San Mateo Road sa Barangay Batasan Hills.

“Bukod sa revocation, tuluyan na ring na-disqualify ang truck driver sa pagkuha ng driver’s license,” ani Asec Mendoza.

“Magsilbi itong babala na hindi kailanman palalampasin ang paggamit ng iligal na droga o pagmamaneho habang lasing—may katumbas itong mabigat na parusa. Paalala rin ito na ang pagkakaroon ng lisensya ay isang pribilehiyo na maaaring bawiin anumang oras kapag hindi tinupad ang tungkulin ng pagiging responsableng driver,” dagdag pa niya.

Kaugnay nito, batay sa inisyal na ulat, iginiit ng truck driver na nawalan umano ng preno ang kanyang minamaneho habang binabagtas ang Batasan – San Mateo Road noong Mayo 28.

Dahil dito, nawalan siya ng kontrol sa manibela, dahilan upang sumampa ang trailer sa center island at salpukin ang ilang sasakyan.

Samantala negatibo ang resulta ng kanyang alcohol test, subalit positibo naman ang drug test sa paggamit ng ilegal na droga, partikular ang shabu.

“Mahigpit ang bilin ng ating DOTr Secretary Vince Dizon na walang second chance sa mga driver na gumagamit ng iligal na droga, kaya zero-tolerance tayo dito,” ani Asec. Mendoza.

Matatandaang noong panahon ng Semana Santa, halos 100 bus drivers at conductors ang binawian din ng lisensya matapos magpositibo sa paggamit ng ilegal na droga. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here