PANGASINAN- PATAY ang isang lola matapos mahagip ng humaharurot na ambulansya habang tumatawid sa kalsada, iniulat kahapon, Oktubre 14 sa bayan ng Sta. Barbara.
Kinilala ang biktimang si Elsie Dion, 73-anyos, negosyante at residente ng Barangay Bued, Calasiao.
Kasalukuyan naman nasa kustodiya ng Sta. Barbara Police Station ang suspek na kinilalang si Julius Marzan, 44, at driver ng ambulansya ng Barangay Zone V, Bayambang.
Sa report ng Sta. Barbara-PNP, bandang 3:00 PM ng maganap ang insidente sa Barangay Poblacion Norte, ng nasabing bayan.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, makikita sa kuha sa Closed circuit television (CCTV) footage, tumatawid ang biktima sa kalsada ng bigla na lamang itong mahagip ng ambulansya na minamaneho ni Marzan.
Sa lakas ng pagkakabangga nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Sumuko naman sa pulisya ang suspek at humingi ng tawad sa pamilya ng biktima.
Pinatawad naman ang suspek ng anak ng biktima na si Emmie Dion, subalit desidedo pa rin silang gumawa ng legal aksyon laban kay Marzan. Mary Anne Sapico