MANILA, Philippines – Nakatakdang bawasan ng Senado ang kapangyarihan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) bilang system operator at network transmission provider upang pangalagaan ang pambansang seguridad.
Sa pahayag, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na nakatakda siyang maghain ng panukalang batas upang paghiwalayan ang tungkulin ng NGCP sa pagsusuplay at paghahatid ng kuryente upang matugunan ang national security concerns sa bansa.
“Naniniwala ako na ang system operation ng transmission line ay isang monopolyo na sumasaklaw sa Luzon, Visayas, at Mindanao at dapat ay nasa kamay ng gobyerno.
Gayunpaman, kinikilala natin ang pangangailangan para sa kapital na manggagaling sa pribadong sektor, kaya’t dapat panatilihin natin ang pagmamay-ari ng network transmission sa mga pribadong kamay,”sabi ni Gatchalian sa nakaraang pagdinig ng Senado sa panukalang 2025 budget ng Department of Energy at ahensyang nasa ilalim nito.
“Ngunit ang system operator na nagdi-dispatch ng kuryente – tulad ng isang traffic enforcer na namamahala sa daloy ng kuryente mula sa mga planta – ay may tungkuling nakatali sa pambansang seguridad, at dapat lang itong manatili sa gobyerno,” diin niya.
Si Gatchalian ang tumatayong vice-chairperson ng Senate Committee on Energy.
Ang panukalang batas, na kasalukuyang tinatapos ngayon, ay naglalayong amyendahan ang Republic Act 9511, ang batas na nagbigay sa NGCP ng prangkisa para magpatakbo, mamahala, at mapanatili ang pambansang grid ng kuryente ng bansa.
Layon ng panukalang batas na palitan ang franchise tax ng standard corporate taxes. Kung naisabatas na, ihahanay ng panukala ang mga tax obligation ng NGCP sa iba pang electric utilities at posible pa itong magpataas ng kita ng gobyerno, aniya.
Sa madaling salita sabi ni Gatchalian, aalisin ng panukalang batas ang NGCP mula sa pagsasagawa ng tungkulin sa system operations at magbibigay kapangyarihan sa Department of Energy (DOE) na tukuyin kung aling mga bahagi ng Transmission Development Plan (TDP) ang itatayo at kung alin sa mga kritikal na proyekto sa imprastraktura ng transmission ang maaaring ipagkatiwala at isagawa sa third party.
Ang mga amendments na ito ay naglalayong tugunan ang mga pagkaantala sa pagbuo ng imprastraktura ng grid at bigyan ng insentibo ang NGCP na mapabuti ang construction efficiency, paliwanag ni Gatchalian. Ernie Reyes