MANILA, Philippines- Swak sa selda ang isang 67-anyos na lalaki na nanghipo umano sa isang limang taong gulang na babae sa birthday party ng biktima sa Navotas noong nakaraang taon. Mariin namang itinanggi ng akusado ang alegasyon.
Batay sa ulat nitong Huwebes, naganap umano ang insidente noong Oktubre 2024, kung saan nito lamang Miyerkules nasakote ang suspek sa bisa ng warrant of arrest.
“‘Yung suspect, siya ‘yung katulong sa pag-aayos ng tent para sa kaarawan ng biktima. Noong mga ala-una ng madaling araw na, habang naglalaro ‘yung bata is nilapitan ng suspect, binuhat at kinalong sa kaniyang binti. And then ayon sa salaysay ng bata is hinawakan ‘yung maselang bahagi ng bata,” pahayag ni Police Lieutenant Colonel Randolf Asuncion, Navotas Assistant Chief of Police for Administration.
Pagbabahagi ng biktima, inulit umano ng suspek ang panghihipo hanggang sa mahuli ito ng ina niya.
“Noong nakita ng nanay is tinawag ‘yung bata para umuwi na sila. At pag-uwi nila, tinanong ng nanay kung ano ‘yung ginawa sa kaniya at isinalay ng bata na ‘yun daw ang ginawa ng suspek,” ani Asuncion.
“Kinuha ko, nilagay ko rito. Akala siguro ng nanay ng bata, may ginagawa ako doon sa bata pero wala… Hindi naman kasi totoo ‘yung binibintang sa akin. Ang mga kalaro nu’n, mga apo ko rin,” depensa naman ng akusado.
Kinasuhan ng acts of lasciviousness ang akusado na kasalukuyang nakapiit sa Navotas Police Station. RNT/SA