Home NATIONWIDE Lotto gustong ipasuspinde sa Senado

Lotto gustong ipasuspinde sa Senado

MANILA, Philippines- Gustong pansamantalang isuspinde ng isang mambabatas ang operasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa kontrobersyal na lotto games dahil lubhang kaduda-duda na may nananalo kada linggo.

Base sa datos ng PCSO, umabot sa P2.4 bilyon ang napanalunan ng 11 lotto bettors simula noong Disyembre na lubhang kaduda-duda dahil sa Pilipinas lamang nangyayari ang ganitong “mathematically improbable results.”

“Hangga’t hindi napapaliwanag itong mga pangyayaring ito, itigil muna ang bola. Itigil muna ang e-lotto at ‘yung mga ginagawa nila. Wala nang naniniwala e at naaawa ako sa mga pumupusta na mahihirap… ninanakaw pa, binobola pa talaga,” ayon kay Senador Imee Marcos sa virtual interview ng Senate reporters.

“Alam mo pikon na pikon ako d’yan sa lotto na ‘yan…mathematically improbable ang ginagawa nila na ganon kadalas, tapos lahat number 9. Kung ano-anong kababalaghan na kung nakakaintindi ka ng numero…hindi talaga pwedeng mangyari ‘yon,” dagdag niya.

Sa gitna ng pagdududa na maaaring manipulahin ang resulta ng lotto, sinabi ni PCSO General Manager Mel Robles na hindi nila kayang kontrolin ang resulta ng lotto.

“We would like to assure you that you can never, never manipulate it. Kaya nga allowed kami mag-bet (That’s why we are allowed to bet), Mr. Chair. Even I can bet because it’s beyond me. Even if we wanted to, with the system we have, we cannot,” ayon kay Robles.

“I take exception na kayang panalunin. Definitely, madami pong tataya kung malaki ang jackpot. ‘Yun po naman ang objective namin– to really bring in bettors,” giit pa ng opisyal.

Pero hindi kumbinsido ang senador sa paliwanag ng PCSO.

“Naniniwala ba kayo? Parang kababalaghan naman ‘yung sinasabi. Ginagawang technical ang hindi technical. Kitang kita naman sa numero, kitang kita naman sa pangalan. Hindi tayo bobo. Alam naman natin ‘yan. Tigilan na nila,” aniya.

Noong nakaraang linggo, kinuwestiyon ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., ang resulta ng lotto na nangyari lamang sa Pilipinas. Sinundan ito ni Marcos na nagsabing pwede nang ipasok ang pangyayari sa Guinness world record. Ernie Reyes

Previous articleDOLE nagpaalala sa mga employer sa tamang pasahod sa Chinese New Year
Next articleKalidad at kilalang produkto, mas pinamura sa Puregold