Home NATIONWIDE Sen. Go: Kampanya vs pag-iwas sa sunog, palakasin

Sen. Go: Kampanya vs pag-iwas sa sunog, palakasin

MANILA, Philippines – Patuloy na binibigyang-diin ni Senador Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng pag-iwas sa sunog at mga kampanyang pangkaligtasan sa mga komunidad.

Kamakailan ay ipinadala ni Go ang kanyang Malasakit Team upang tulungan ang mga nasalanta ng sunog sa Baguio City.

Sa kanyang video message, pinuri ng senador ang mga bumbero sa bansa sa kanilang sakripisyo at agarang aksyon sa mga sunog.

Matagumpay na naitulak ni Go ang pagsasabatas ng Republic Act No. 11589, mas kilala bilang Bureau of Fire Protection Modernization Act of 2021, upang mabawasan ang tindi ng pinsala mula sa mga insidenteng may kaugnayan sa sunog sa bansa.

“‘Yung mga nasunugan tandaan po natin, ang gamit po’y nabibili pero magtulungan lang tayo. Importante po walang nasaktan, wala pong namatay, kasi ang gamit po’y nabibili natin. At Pilipino tayo, kilala tayong nagtutulungan,” ani Go.

Sa ilalim ng batas na pangunahing iniakda at itinataguyod ni Go, ang BFP ay sumasailalim sa 10-year modernization program na
kinabibilangan ng pagbili ng mga bagong gamit sa pag-pula ng sunog, mga sasakyan, communication system, at pag-aayos ng mga pasilidad upang matiyak na ang kawanihan ay mabilis na makatugon sa mga emerhensiya at iba pang mga sakuna.

Inaatasan din ang BFP na magsagawa ng buwanang kampanya sa pag-iwas sa sunog at information drive sa pakikipagtulungan ng Department of the Interior and Local Government at local government units.

Binibigyang-halaga rin ang kalusugan, pinayuhan ni Go ang mga nasunugan na ingatan ang kanilang mga sarili.

Bilang tagapangulo ng Senate committee on health and demography, hinimok ni Go ang mga residente na makipag-ugnayan sa alinmang 163 Malasakit Centers sa buong bansa, kabilang ang nasa Baguio General Hospital sa lungsod. RNT