MANILA, Philippines- Walang nakikitang dahilan si Defense Secretary Gilberto Teodoro para pagdudahan ang katapatan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil nananatili itong propesyonal sa kabila ng pagtatalo sa politika sa naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ang pahayag na ito ni Teodoro ay bilang tugon sa kumakalat na balitang may mga uniformed personnel ang nagbitiw sa pwesto. Tugon din ito sa pagtataka at tanong ni Vice President Sara Duterte sa Senate hearing kung bakit kapansin-pansin na tahimik ang militar habang inaaresto ang kanyang ama.
“It has never been unsolid, and I have no reason to doubt that they would remain professional and they would follow their duty according to the constitution,” ang sinabi ni Teodoro sa isang panayam.
“Civilian supremacy remains,” diing pahayag nito.
Matatandaang inaresto ng mga awtoridad si Digong Duterte noong Marso 11, 2025 sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 (NAIA 3) dahil sa “crimes against humanity” na nakasampa sa International Criminal Court (ICC).
Ang kaso ni Digong Duterte sa ICC at ng ilan pang opisyal na nagserbisyo sa kanyang administrasyon ay may kaugnayan sa ipinatupad niyang drug war. Kris Jose