MANILA, Philippines- Inihayag ng Land Transportation Office (LTO) sanitong Huwebes na maghihigpit ito sa practical test para sa motorcycle riders na kumukuha ng kanilang driver’s license.
Inanunsyo ito ng LTO matapos ang pagkasawi ng dalawang motorcycle riders na nagkarera sa kahabaan ng Marikina-Rizal-Laguna-Quezon (Marilaque) Highway.
“Nakita natin ‘pag kumukuha ng practical test sa LTO…in some places, atras-abante lang ang sasakyan, pasado na. This is something na we would like to higpitan ang practical testing kasi hindi talaga nagagawa,” pahayag ni LTO chief Vigor D. Mendoza II.
Tinukoy ng ahensya ang mga lugar para sa practical driving courses sa buong bansa, aniya.
“We’ll try to target the major cities immediately. Siguro in the next 45 days, ma-set up na yung facilities. So next time, yung mga kumukuha ng lisensya after 45 days, they will really pass through practical driving first. Hindi na pwedeng atras-abante lang,” pahayag pa niya.
Iniimbestigahan pa umano ng LTO ang organizers ng Marilaque Highway race.
Binanggit naman ng opisyal na dapat maging “mas visible” ang traffic enforcers.
Isinusulong din ng LTO na turuan ang mga estudyante ng road safety bilang paghahanda para sa pagkuha nila ng driver’s license.
“Maaga pa lang mama-mold natin yung pag-iisip ng tao, na yung attitude nila in terms of driving, commuter responsibility, maganda simulan talaga maaga. We intend to push that further and hopefully we will be able to convince DepEd na baka puwedeng isama sa curriculum,” wika ni Mendoza. RNT/SA