Ipinagpatuloy ng Strong Group Athletics ang kanilang mga panalo nang talunin ang Amman United Club – Jordan, 84-75, noong Miyerkules ng gabi (oras sa Dubai) sa Al Nasr Club para sa ikaapat nitong sunod na panalo sa Dubai International Basketball Championship.
Wire-to-wire win ito para sa Philippine-based crew at nanguna pa ng 17, 70-53, matapos ang back-to-back baskets nina Chris McCullough at Rhenz Abando para buksan ang fourth period.
Gayunpaman, ang Amman United ay lumapit at nakahabol sa loob ng pito, 82-75, may 47 segundo ang nalalabi ngunit ang mga free throws nina Mikey Williams at Jason Brickman ang nagselyo sa panalo para sa Strong Group.
Pinangunahan ni Malachi Richardson ang Strong Group sa pag-iskor ng 24 puntos, habang nagdagdag si McCullough ng 19 puntos, bukod pa sa pag-agaw ng walong rebounds at limang assists. Si Abando naman ay may 12 puntos.
Pinangunahan ni Fadi Mustafa ang Amman United na may 20 puntos.
Papasok ang Strong Group Athletics sa quarterfinals na may 4-0 card at makakaharap ang Sharjah SC sa Huwebes.
Samantala, walang panalo ang Zamboanga Valientes sa torneo matapos makuha ang 95-59 kabiguan laban sa Tunisia National Team noong Miyerkules.JC