MANILA, Philippines – Nag-isyu ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) sa Cagayan Valley sa mga drayber at rehistradong may-ari ng dalawang pampasaherong jeepney na nasangkot sa pagkakarera habang punong-puno ang mga sakay na pasahero.
Sa viral video na kumalat sa social media, makikita ang dalawang jeepney na nagkakarera sa national highway sa Naguilian, Isabela habang overloaded ng mga sakay na pasahero.
Makikita pa sa video ang mga estudyante na nakasakay sa bubong ng naturang mga jeep.
Sinabi ng LTO na bigong masunod ng mga drayber ang batas sa kalsada at road signs.
Ipinag-utos na ng ahensya ang 90-day preventive suspension ng rehistro ng mga sasakyan, kasama ang mga lisensya ng mga drayber.
Nagbabala naman ang LTO sa mga rehistradong may-ari na maaari silang maging administratively liable sa ilalim ng Registered Owner Rule, habang nahaharap naman sa suspensyon o pagbawi ng lisensya ang mga drayber dahil sa reckless driving.
Tutukuyin sa imbestigasyon ang mga posibleng violation ng mga batas trapiko.
Makikipag-ugnayan din ang LTO sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay sa prangkisa ng dalawang jeepney.
Karaniwan umanong overloaded ng mga estudyante ang mga public utility vehicle sa lugar kapag umaga at hapon.
Nagpaalala naman ang LTO sa public transport operators at mga drayber na palaging unahin ang kaligtasan ng mga pasahero at sumunod sa batas trapiko. RNT/JGC