MANILA, Philippines – Naniniwala si House Committee on Justice Chairman at Batangas 2nd district Rep. Gerville “Jinky” Luistro na kaya ng kanyang komite na dinggin ang dalawang impeachment cases nang sabay.
“I have a lot faith in the members of the justice committee. Magagaling ang mga members ng justice committee, so I am confident, isa o dalawa, I think the justice committee can confidently discharge its functions as such,” pahayag ni Luistro.
Mas maaga noong araw na iyon, naghain si abogadong Andre de Jesus ng isang verified at duly-endorsed impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kauna-unahan sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Ang reklamo ay inihain ilang linggo bago ang inaasahang paghahain ng bagong impeachment complaint laban sa Bise Presidente Sara Duterte.
Magtatapos sa Pebrero 6 ang isang taong pagbabawal sa paghahain ng impeachment laban sa kanya.
Karaniwan, nagsasagawa ng public hearings ang House justice committee upang alamin kung pasado ang reklamo sa mga rekisito tulad ng sufficiency in form at sufficiency in substance.
Ngunit ang sabay na paghawak ng dalawang impeachment complaints ay halos hindi pa nangyayari noon.
Sa kabila nito, tila handa si Luistro sa hamon.
Nang tanungin kung paano isasaayos ang iskedyul ng mga pagdinig, sinabi niya: “Let us wait until the official transmittal of the impeachment complaint.”
Ipinaliwanag din ni Luistro ang kahulugan ng pagiging sapat sa porma at nilalaman ng isang impeachment complaint.
“‘Pag sinabi nating sufficiency in form, ito yung dapat verified, tapos signed by, sponsored by [a] House member, things like that,” aniya.
Dagdag pa niya, “‘Pag sinabi naman nating in substance, eh di supported yung grounds for impeachment as provided under the law. There is sufficient evidence that support the ground for impeachment.” RNT/MND