
ANG nakababahalang pagtaas ng bilang ng kabataang Filipino na nakararanas ng katamtaman hanggang matinding sintomas ng depresyon. Mula 9.6 porsyento noong 2013, lumobo ito sa 20.9 porsyento noong 2021 sa mga edad 15 hanggang 24 ang lumabas sa isang bagong pag-aaral ng mga mananaliksik na Filipino na inilathala ng Cambridge University Press.
Bagaman naging malaking salik ang COVID-19 pandemic sa paglala ng kalagayang ito, pinaniniwalaang nagsimula nang tumaas ang bilang ng mga depressed na kabataan kahit bago pa ang krisis pangkalusugan.
Ayon sa pag-aaral, “Hindi lamang ito senyales ng lumalalang kalagayan ng mental health sa mga kabataan, kundi isa rin itong babala ng isang posibleng krisis na may pangmatagalang epekto sa lipunan.”
Ang datos ay mula sa Young Adult Fertility and Sexuality Study (YAFS) noong 2013 at 2021, na isinagawa ng UP Population Institute. Gumamit ito ng 11-item scale mula sa Center for Epidemiological Studies-Depression (CES-D) upang sukatin ang depresyon sa mga kalahok.
Lumalabas na ang mga kabataang nasa laylayan ng lipunan kagaya ng kababaihan, LGBTQ plus community, mga hindi nakapagtapos ng pormal na edukasyon, at mula sa pinakamahihirap na pamilya, ang siyang pinakatinatamaan ng depresyon.
Ang depresyon sa mga kabataang hindi cisgender ay lumundag mula 7 porsyento noong 2013 tungong 32.3 porsyento noong 2021. Samantala, 41.3 porsyento ng mga kabataang hiwalay, balo, o diborsyado ang nakaranas ng depresyon noong 2021, mas mataas sa mga may asawa o walang karelasyon.
Lumalala rin ang depresyon sa kababaihan, mula 10.8 porsyento tungong 24.3 porsyento, at sa mga kabataang hindi nakatapos ng elementarya, mula 10.8 porsyento tungong 26.5 porsyento.
Bukod sa mga hadlang sa akses ng mental health services sa panahon ng pandemya, ipinunto rin ng mga mananaliksik ang epekto ng mahabang lockdown, kawalan ng physical activity, at biglaang paglipat sa online learning lalo na sa mga kabataang salat sa kagamitan at tahimik na lugar.
Isinama rin sa mga posibleng dahilan ang mabilis na paglaganap ng paggamit ng teknolohiya at social media, na may kaugnayan sa global na pagtaas ng depresyon sa kabataan.
Bagaman naging popular ang teletherapy sa panahon ng pandemya, limitado pa rin ito sa mga kabataang may kakayahang pinansyal at walang pribadong espasyo sa tahanan.
Binigyang-diin ng pag-aaral ang pangangailangang palawakin ang abot-kayang serbisyo para sa mental health na nakaangkop sa kabataan.
Hinikayat din ang mas maigting na pagpapatupad ng Mental Health Act o ang Republic Act No. 11036 at pagbubuhos ng pondo ng pamahalaan at pribadong sektor para sa mga serbisyong pangkaisipan sa komunidad, lalo na para sa mga mahihirap at nasa laylayan.
Ang pagtaas ng depresyon sa kabataan ay hindi lamang usapin ng estadistika.
Isa itong panawagan hindi lamang sa mga eksperto, kundi sa buong lipunan na huwag ipagwalang-bahala ang sigaw ng kabataang Filipino para sa tulong at pagkalinga.
Sa datos ng pamahalaan, mula lamang sa 574,000 na naitalang tangka o matagumpay na pagpapakamatay noong 2013 ay umakyat ito sa 1.5 million noong 2021, at inaasahang mas tumaas pa sa paglipas ng mga taon.
Nagsisimula ito sa anxiety na nagiging depression at humahantong sa pagtatangka na tapusin ang sariling buhay.