
MAKASAYSAYANang naging aktibidad kamakailan sa bayan ng Indang sa lalawigan ng Cavite nang maganap ang Quadricentennial Celebration ng Saint Gregory the Great Parish na may temang “Pasasalamat sa Mayamang Nakaraan” o “PAMANA 400” bilang pag-alala sa pagiging isang ganap na parokya nito noong taong 1625.
Natatandaan ko pa noong 1990, bata pa ako, ay nagdiwang din ang Saint Gregory the Great Parish ng ika-365 taong pagkatatag sa panahon ng noon ay Kura Paroko na si Rev. Fr. Cornelio “Nel” Matanguihan (+).
Ayon pa kay Sis. Dhel Avilla, Parish Secretary, hindi naman magarbo at simple lamang ang naging pagdiriwang noon habang sinabi naman kay Engr. Jaime Dilidili, isa ring aktibo sa simbahan, taong 2016 ng Setyembre 3 sa panahon ng pamumuno ng Kura Paroko na si Rev. Fr. Alex Melchor Tupas ay nagkaroon din ng pagdiriwang o paglulunsad ng paghahanda (countdown road to 2025) para sa ika-400 taong pagkatatag pagsapit ng 2025.
Matapos ang siyam na taong pag-aantay ay mapalad pa kaming mga naabutan ang makasaysayang pagdiriwang na ito na pambihirang pagkakataon na umabot sa 400 taon ng pagkakatatag ang aming parokya dahil ang susunod na ika-450 or ika-500 taon ay hindi na tiyak aabutan pa.
Para sa organizing committee, hindi madali ang pinagdaanan para sa tagumpay ng selebrasyong ito. Sa preparasyon pa lamang, maraming oras, araw, linggo, buwan at taon ang inilaan para maging maayos, maganda, makabuluhan at makasaysayan ang selebrasyon.
Ayon naman sa isang aktibong lingkod-simbahan sa aming parokya na si Sis. Luzviminda Bago, nagsimula ang isang taong pagdiriwang ng ika-400 taong pagkakatatag ng parokya noong Setyembre 3, 2024 at kada buwan sa loob ng isang taon ay may mga nagaganap na makabuluhang aktibidad at proyekto kagaya ng tree planting, clean and green, medical mission, mga kawanggawa at iba pa.
Dagdag pa niya ay matatapos ang isang taong pagdiriwang sa Setyembre 3, 2025, at para sa kaalaman ng lahat ang Setyembre 3 ay Kapistahan din ng pintakasi ng bayan ng Indang na si St. Gregory the Great or si San Gregorio Magno. (May Karugtong)