Home OPINION MADADAMAY SA GIYERA, OFWs DAPAT UMUWI

MADADAMAY SA GIYERA, OFWs DAPAT UMUWI

UNTI-UNTING may mga overseas Filipino worker na umuuwi mula sa Lebanon sa takot na mapinsala sila dahil sa digmaang nagmula sa giyerang Hamas at Israel na ngayo’y kumalat na sa at least anim na bansa gaya ng Israel mismo, Lebanon, Yemen, Syria, Iraq at Iran.

May 19 na OFW, kasama ang tatlong bata, sa mga dumating nitong Huwebes at mabuting balita na may  pasalubong sa kanila ang pamahalaan na puhunan para sa kanilang bagong buhay, katiyakan ng trabaho at hanapbuhay sa ating bansa.

Nasa 1,085 OFW at 43 dependent na ang nakauwi mula noong Oktubre 7, 2023 na simula ng nasabing giyera.

Mula sa Israel, may 800 naman ngunit pangunahing pagkatapos ng kontrata ang dahilan ng kanilang pag-uwi sa bansa.

Sa mga pahayag ng mga OFW, lumalabas na handa nilang suungin ang mga panganib sa giyera kaysa bumalik sa bansa na walang katiyakan at sapat na kita sa trabaho at negosyo.

Napakalungkot na paniniwala at kaisipan na tunay namang may totoong mga batayan.

Sa kabila ng lahat, mas nais nating bumalik ang mga OFW, lalo na ang mga nanganganib sa giyera, gaya ng ginagawa ng mga umuuwi.

Dapat malinaw na mas mahalaga ang buhay kaysa salapi at iba pang ari-ariang makakamit at mapupundar mula sa pangingibang bansa.

Hindi dapat mawalan ang mga OFW ng pag-asa na magkaroon sila ng magandang pagkakataon sa loob ng bansa.

Sa ngayon, nanganganib ang malawakang giyera sa lawak ng pagpapakawala ng mga nakamamatay na bomba, missile at drone ng Israel at tinatapatan naman ito ng Hezbollah, Hamas at Houthi.

Lalong tumindi ang mga ito makaraang pagpapatayin ng Israel sina Hamas political leader Ismail Haniyeh sa Tehran, Iran at mataas na military commander ng Hezbollah na si Fuad Shukr sa Lebanon.

Sana naman, anoman ang mangyari, maging ligtas lahat ang mga OFW at pinakamabuti pa ring umuwi ang mga dapat na umuwi para na rin sa kanilang kaligtasan at kapakanan.