MANILA, Philippines – Namatay ang isang babae matapos balikan para isalba ang kanyang paralisadong ama sa loob ng kanilang nagliliyab na bahay sa Pasay City Huwebes ng gabi, Marso 12.
Hindi na napangalanan ang mag-amang biktima na parehong na-trap sa loob ng kanilang bahay sa sunog na naganap sa P. Villanueva St., Barangay 85 bandang alas 5:59 ng gabi.
Ayon kay Pasay City fire chief Superintendent Alma Cassandra Gardose, nahirapan silang agad na maapula ang apoy dahil bukod sa kakulangan sa suplay ng tubig ay naging malaking hadlang din ang kakiputan ng kalsada gayundin ang mga residenteng nagnanais na makapagsalba ng kani-kanilang mga gamit sa bahay.
Hindi na rin nag-atubiling tumulong ang mga lalaking residente sa lugar upang maikabit ang mga pinagdugtong-dugtong na hose para umabot sa pag-apula ng apoy sa mismong nasusunog na mga kabahayan.
Mabilis na kumalat ang apoy sa magkakatabing bahay na gawa lamang sa light materials kung kaya’t inabot ang sunog ng ikalawang alarma.
Idineklara ang fire out bandang alas 7:58 ng gabi habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang dahilan at pinagmulan ng apoy pati na rin ang halaga ng iniwang pinsala ng naturang sunog.
Umabot sa 50 pamilya ang nawalan ng tirahan sanhi ng sunog kung saan ang mga apektadong pamilya ay pansamantalang nanunuluyan sa kalapit na eskwelahan sa lugar na Jose Rizal Elementary School.
Samantala, binisita naman nina Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano at Vice Mayor Mark Calixto, na siya ring kumatawan sa kanyang amang si Congressman Tony Calixto, upang mapagkalooban ng food packs ang 50 pamilyang naging biktima ng sunog. James I. Catapusan