CEBU CITY- Nadakip ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Central Visayas (PDEA-7) ang dalawang indibidwal matapos makuhanan ng halos 25 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P170 milyon sa loob ng isang sasakyan sa Pier 4 sa lungsod na ito nitong Huwebes ng umaga.
Tinangka umanong iwasan ng mga suspek, natukoy na isang ginang at anak nitong lalaki, na hindi pa pinapangalanan, ang K9 unit inspection na isinagawa ng PDEA pagdating sa pantalan mula sa Masbate.
Kalaunan ay natuklasan ng mga operatiba na ang sasakyan ng mga suspek ay may kargang ilegal na droga.
Ayon sa lalaking suspek, napag-utusan lamang siyang ihatid ang sasakyan mula Masbate patungong Cebu City at hindi umano alam na may laman itong shabu.
Ayon pa sa suspek, hindi niya kilala ang indibidwal na nag-utos sa kanya.
Giit ng suspek, inatasan siyang kunin ang sasakyang iniwan sa gilid ng kalsada sa Masbate. Pinangakuan siya ng P20,000 kapag nadala ang mga laman nito sa Cebu.
Minaneho niya ang sasakyan, sumakay sa barko patungong Cebu, at tinagpo ng kanyang ina sa Pier 4.
Sinabi ng suspek, naninirahan sa Leyte at nagtatrabaho roon bilang driver, na hindi ito ang unang pagkakataon na inatasan siyang maghatid ng cargo na hindi niya alam ang nilalaman.
Kasalukuyang nakaditene ang mag-ina habang ikinakasa ang kaso laban sa kanila. RNT/SA