
NANAWAGAN si SSS o Social Security System President and Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet sa mga miyembro na samantalahin ang programa ng SSS sa pag-iimpok na magpapalago ng kanilang in-invest na pera at magbibigay ng mas mataas na kita taon-taon.
Ipinaliwanag ni Macasaet na ang SSS ay nag-aalok ng MySSS Pension Booster bilang isang programa upang mapalago ang kanilang retirement funds at ipon, na maaaring magbigay ng inaasahang taunang kita na 7.2 porsyento.
Ang MySSS Pension Booster ay binubuo ng mandatory at voluntary na mga scheme. Sa ilalim ng mandatory scheme, ang mga miyembrong nag-aambag ng higit sa ceiling na P20,000 sa Regular SSS Program ay awtomatikong nakatala sa savings plan.
Samantalang ang voluntary scheme ay bukas sa lahat ng miyembro, lalo na sa mga nais mag-invest pa ng higit para sa kanilang retirement o ipon. Inaanyayahan din ng SSS ang mga nag-a-apply ng SS number na mag-enroll din sa programa.
Ipinaliwanag ni Macasaet na kailangan lamang nila ng Php500.00 upang simulan ang pag-iimpok sa voluntary scheme ng MySSS Pension Booster, at maaari silang mag-ambag ng anomang halaga kahit kailan dahil walang limitasyon sa halagang maaari nilang i-invest.
Papayagan ng SSS ang partial o full withdrawal ng kanilang ipon sa programa kung saan makukuha nila ang kanilang kabuuang kontribusyon kasama ang investment earnings. Idinagdag niya na hinihikayat ang mga miyembro na panatilihin ang kanilang pera sa programa hanggang sa magretiro sila.
Kasabay nito, hinikayat ni PCEO Macasaet ang maritime professionals, Overseas Filipino Workers (OFWs), self-employed professionals, at corporate executives na simulan ang pag-impok sa MySSS pension booster sa lalong madaling panahon.
“Ang pagpaplano at pag-iipon para sa retirement ay dapat magsimula mula sa unang araw na sila ay magsimulang kumita ng pera.”
Ipinaliwanag ni Macasaet na isa sa mga benepisyo ng pagpaplano ng kanilang retirement nang maaga ay magkakaroon sila ng sapat na oras upang palaguin ang kanilang retirement fund sa nais nilang antas. “Kapag nagsimula sila nang bata pa, nag-iipon sila ng mas maliit na halaga nang regular at naiwasan ang pressure ng pag-iipon ng mas malalaking halaga sa mas maikling panahon dahil malapit na ang kanilang retirement,” aniya.
Idinagdag niya na isa pang bentahe ng pag-iipon para sa retirement nang maaga ay ang compound interest, tulad ng sa kaso ng MySSS Pension Booster, kung saan ang pooled contributions ng mga miyembro ay kumikita ng investment income taon-taon.
Binibigyang-diin ni PCEO Macasaet na maaari nilang mapakinabangan ang kanilang earnings mula sa MySSS Pension Booster kung mananatili sila sa programa nang hindi bababa sa limang taon o higit pa dahil mas matagal nilang iiwanan ang kanilang pera sa SSS, mas malaki ang kanilang kikitain.
Nire-rebrand ng SSS ang WISP o Worker’s Investment and Savings Program at WISP Plus sa MySSS Pension Booster habang pinaposisyon ng SSS ang savings program nito upang tugunan ang pangangailangan ng corporate managers at executives, doctors, lawyers, OFWs, Filipino expats, seafarers, at mga batang propesyonal na nais mapalago ang kanilang ipon o retirement funds.
Ang MySSS Pension Booster ay kabilang sa mga repormang ipinakilala ng Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018, na itinataguyod ni Finance Secretary Ralph G. Recto noong siya ay senador pa, na nagsisilbi rin bilang Tagapangulo ng Social Security Commission, ang pinakamataas na namamahalang katawan ng SSS.