
NAPAKAHALAGANG malaman at maunawaan ng mga manggagawa ang kanilang mga karapatan sa trabaho. Maliban sa suweldo, welfare at iba pang benepisyo, kabilang din ang occupational safety and health o OSH na kailangang ipagkaloob ng employer sa kanyang mga empleyado. Kailangan listo ang employer kung tumpak at sapat ang implementasyon nito.
Nakapaloob sa mga ipinatutupad na panuntunan ng labor department ang mga pangunahing karapatan ng bawat manggagawa tulad ng worker’s right to know, worker’s right to refuse unsafe work, worker’s right to report accidents at worker’s right to personal protective equipment o PPE.
Sa worker’s right to know, obligadong makatanggap ng mahahalagang impormasyong may kinalaman sa OSH mula sa kanyang employer ang isang worker para masiguro ang kanyang kamalayan at gagawing aksyon sa mga hazard at panganib ng isang trabaho.
Hindi naman maaaring ipagpilitan ng employer na ituloy ang isang aktibidad na lubhang mapanganib o nasa imminent danger condition lalo na kung salat ito sa angkop na control measure o proteksyon. Karagdagang paglabag at multa ang maaaring harapin ng employer kung mayroon mang retaliation sa karapatang ito.
Nararapat ding igalang, pakinggan, suportahan at imbestigahan ng employer ang anomang sumbong ng bawat worker patungkol sa mga hazard lalong lalo na kung nagdulot ito ng aksidente. Mas malaki kasi ang tyansang maulit pa ang sitwasyon kung hindi ito mapagtutuunan ng pansin at maitatama.
Dahil kabilang ang personal protective equipment (PPE) bilang huling sandata ng mga empleyado kung sakali mang pumalya ang mga pangunahing solusyon tulad ng elimination, substitution, engineering at administrative control, inobliga ng batas ang mga employer na ipamahagi ang PPE ng libre at kailangang kabilang sa budget costing ng kompanya. Kailangan ding gumawa ng PPE program para naman maging balanse ang pamamahagi at matukoy kung ano-anong mga aktibidades ang may pangangailangan dito.
May karampatang administrative fine ang bawat paglabag ng employer sa mga karapatang ating nabanggit.
Para maiwasan ang mga multa, kailangang maging listo at tumalima ang mga employer sa checklist ng labor department at palagiang subaybayan ang pagpapatupad ng OSH program.
HAPPY INDEPENDENCE DAY SA LAHAT!