SA wakas, nagdesisyon na ang embahada ang Pilipinas na lisanin ng mga Pinoy ang Lebanon dahil sa napipintong digmaan sa pagitan ng Iran at Hezbollah laban sa Israel na ikinadadawit ng Lebanon.
Naglabas ang Philippine Embassy sa Beirut ng advisory o abiso na lisanin ng mga Pinoy mismo ang Lebanon habang bukas pa ang paliparan at makasakay ng eroplano ang mga ito palabas.
Ang mga hindi pupwedeng lumabas, dapat umanong lumayo mismo sa Beirut, Bekaa Valley at South Lebanon na pawang nasa boundary ng Lebanon at Israel.
Ang tatlong lugar ang pangunahing madadamay sa giyera at ang totoo, bahagi na ang mga ito ng digmaan dahil mula sa Lebanon ang mga missile at rocket ng Hezbollah na pumapasok sa Israel habang binobomba naman eroplano at missile ang mga ito ng Israel.
Libo na ang namamatay sa parte ng Lebanon habang daan na rin ang sa parte ng Israel.
Ang pag-atake ng Iran sa Israel ang hinihintay na mangyari na magpapalawak at magpapatindi sa giyerang Hezbollah at Israel.
GANTIHAN
Nais na ipaghiganti ng Iran ang pagkamatay ni Esmail Haniyeh na pinatay sa Tehran Iran ng Israel kamakailan lang.
Pinakapinuno ng Hamas sa Gaza si Ismail Haniyeh ngunit ang pagpatay ng Israel kay Haniyeh sa loob ng Iran ay pag-atake umano mismo sa Iran na ayaw palampasing walang ganti ng huli.
Pinatay rin ng Israel ang isang mataas na pinuno ng Hezbollah na si Fuad Shukr sa Beirut at nais din itong ipaghiganti ng Iran.
Nakikisama ang Hezbollah sa Iran sa laban ng huli sa Israel at giyerang pagsimpatiya sa mga Palestino at Haman naman ng Hezbollah ginagawa nitong pakikipaggiyera sa Israel.
UMUWI ANG DAPAT UMUWI
Higit na mahalaga ang buhay kaysa salapi at hanapbuhay.
Nagagawan ng paraan ang kahirapan at kasalatan ng hanapbuhay ngunit hindi ang buhay kung nakitil na.
Kaya naman, tama lang ang abiso ng Philippine Embassy na umuwi na ang mga Pinoy o kaya’y lumikas na sila at lumayo sa tatlong lugar na kadikit ng Israel.
Lumalabas namang aktibo ang embahada sa pagliligtas sa mga Pinoy sa kapahamakan at gusto nilang magpalista ang lahat ng gustong umalis sa mga email address ng embahada at tumawag sa mga telepono nito.
Ibig sabihin nito na nakahanda ang pamahalaan na magbigay ng eroplano o sasakyan para sa paglilikas simula sa mga araw na ito at kumikilos na rin mismo ang Department of Migrant Workers para rito.
Tiyak na walang tigil ang tawagan ng mga nasa Pilipinas na pamilya OFW at mga nasa Lebanon.
Makatutulong ang mga nasa Pilipinas sa pagkumbinse sa kanilang mga pamilya para sa paglilikas.
Kaya naman, dapat na ring tumulong ang mga pamilya OFW sa pagpapauwi o paglilikas palayo ng mga Pinoy.
Maaari ring makatulong ang pagdarasal upang hindi matuloy ang malawak at mabangis na digmaan alang-alang pangunahin sa mga OFW sa nasabing bansa at kanilang pamilyang umaasa sa Pinas para mabuhay.