NGAYONG panay ang baha kahit saan, naaalala natin
ang napakalalawak na kalbong kabundukan.
Noong araw, kung maglakbay ka kahit tag-init, kitang-kita
mong mapuno ang mga kapaligiran, kasama na ang mga
kabundukan.
Baligtad na ngayon dahil kitang-kita na lupa at bato na
lang ang mga bundok sa tag-init at mapepeke ka sa
pagtingin na mapuno ang mga ito kung tag-ulan dahil sa
mga tumutubong damo at iba pang halaman ngunit
namamatay rin sa tag-init.
Dahil nga sa mga kalbong bundok, kapag tag-ulan,
binabakbak ng ulan ang mga lupa, kasama ang mga
marurupok na bato, at dumadausdos sila pababa.
Kaya naman maputik ang mga tubig-baha na umaagos sa
mga pagitan ng mga bundok hanggang sa humalo ang
mga ito sa mga sapa at ilog at hihinto sa mga bunganga
ng mga ilog kaharap ang mga karagaan.
Sampol dito ang nagaganap sa mga kabundukan ng
Nueva Vizcaya, Sierra Madre at Cordillera na may
koneksyon sa Cagayan River, ang pinakamalaking ilog sa
ating bansa.
Nakalbo ang mga kabundukan sa mga ligal at iligal na
pagla-logging ng mga mayor, kongresman, senador,
Chinese at American logging companies, magkakaingin at
iba pa.
Ang mga produktong kahoy lalo na noon ay iniluluwas sa
ibang bansa, ginagamit para sa mga bahay at furniture,
bangka, plywood, lawanit at iba pa.
Ang masaklap, walang nagtatanim ng punong kapalit ng
mga tinutumbang kahoy at ang mga tree nursery ng
gobyerno ay halos pawang pakitang-tao lang.
Ang mga mayor, kongresman, senador, Chinese at
American logging companies at opisyal ng gobyerno na
nagpapahintulot nang pagpuputol ng mga puno ay
pawang nagsiyaman sa pagkakalbo ng mga kabundukan
at ngayo’y katakot-takot nang baha na nakamamatay at
nakasisira sa lahat ang kapalit.
Paano kaya gawing mapuno muli ang mga kabundukan
bilang pansipsip sa mga tubig-ulan at panlaban sa mga
baha?





