Home NATIONWIDE Magtutubo na hagip ng pagsabog ng Kanlaon, aayudahan ng SRA

Magtutubo na hagip ng pagsabog ng Kanlaon, aayudahan ng SRA

MANILA, Philippines – SINABI ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na magbibigay ito ng tulong sa mga magsasaka ng tubuhan na apektado ng pagsabog ng Mt. Kanlaon nitong Martes.

Sa isang panayam, sinabi ni SRA Administrator Luis Pablo Azcona na gagamitin nila ang ipon ng ahensya mula sa mga Christmas party, na nakarehistro matapos sundin ang mga direktiba ni Executive Secretary Lucas Bersamin at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. “upang makatipid sa mga pagdiriwang ng Pasko at tumulong sa biktima ng kalamidad.

“Sa ngayon, ang SRA ay nakaipon na ng hindi bababa sa PHP700,000 para sa mga selebrasyon. So galing lang yan sa mga selebrasyon,” sabi pa nito.

Sinabi ni Azcona na maaari nilang gamitin ang mga bahagi ng corporate social responsibility (CSR) fund ng SRA na nagkakahalaga ng PHP2 milyon.

Nakatakdang ipamahagi ng SRA ang inuming tubig, bigas, iba pang maliliit na pagkain, at hygiene kits sa mga apektadong magsasaka at kanilang pamilya.

Samantala, tiniyak ng SRA ang mahigpit na pagsubaybay sa mga epekto ng pagputok ng bulkan at ang resulta ng pagbagsak ng abo nito sa mga sakahan ng tubo, gayundin ang mga pagsisikap sa pagbawi at tulong sa mga apektadong magsasaka.

Ayon kay Azcona na tinamaan ng ashfall ang La Carlota sa Central Negros, ang pinakamalaking lugar para sa tubo.

Sinabi niya na ang La Carlota ay isa sa “pinakamalaking single mill” sa lalawigan at may pinakamalaking bilang ng mga asosasyon ng mga magsasaka ng asukal sa bansa.

Ipinaliwanag niya na ang kaasiman ng abo mula sa pagsabog ng bulkan ay itinuturing na nakakapinsala sa produksyon ng tubo kung mananatili ang abo sa mga dahon.

Aniya, masusunog ng abo ang mga dahon at mapapabilis ang pagkahinog ng tubo, na magreresulta sa pagbabaligtad ng asukal sa suka. (Santi Celario)