MANILA, Philippines – Dalawang panukala na nakatuon para magkaroon ng mahigpit na patakaran sa paggamit ng confidential funds ang inihain ng mga miyembro ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
Ang dalawang panukala ay nabuo resulta ng isinagawang imbestigasyon ng komite ukol sa kontrobersiyal na paggamit ng P612.5 Million confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education (Deped).
Sa ilalim ng inihaing House Bill (HB) No. 11192, o proposed Confidential and Intelligence Funds (CIF) Utilization and Accountability Act, ang confidential funds ay ibibigay lamang sa mga ahensya na nangangasiwa ng national security, peace and order at intelligence gathering.
“HB No. 11192 seeks to limit the spending only to national defense and security “operations, law enforcement, prevention and response to terrorism and organized crime, and emergency responses to national crises” nakasaad sa panukala.
Ang paggasta ng confidential fund ay aalisan ng confidentiality status sa oras na magpalabas ng Notice of Disallowance ang Commission on Audit (COA).
Gayundin ang hindi pagsusumite ng documentary requirements para sa liquidation ng nasabing pondo ay maaaring gamitin na prima facie evidence para makasuhan bg misuse at misappropriation.
Sa oras na maisabatas, ang lalabag ay maaaring patawan ng parusang perpetual disqualification sa public office at pagbawi sa matatanggap na benepisyo at kasama din na maaring makasuhan ay ang mga Special Disbursing Officers (SDO).
Samantala inihain din ang HB No. 11193 na magreregulate sa mga SDOs.
“It is high time that standards be put in place to regulate SDOs not only disbursing confidential and intelligence funds, but regular funds as well, and imposing sanctions for improper disbursement of these funds be it intentionally or through negligence,” nakasaad sa panukala.
Sa ilalim ng panukala ang mga SDOs ay pananagutin sa halaga ng mga natanggap na disbursement. Gail Mendoza