Home NATIONWIDE Maharlika Investment Corporation pumirma ng kasunduan sa SGP sa 20% stake ng...

Maharlika Investment Corporation pumirma ng kasunduan sa SGP sa 20% stake ng NGCP

MANILA, Philippines – Pumirma ng kasunduan ang Maharlika Investment Corporation (MIC) sa Synergy Grid and Development Philippines Inc. (SGP) para bilhin ang 20% stake ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Layon ng kasunduan na bigyan ng mas maraming impluwensya ang pamahalaan sa power grid operations ng bansa.

Ang pagpirma ng kasunduan ay sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong hapon ng Lunes, Enero 27 sa Malacañang.

“Congratulations, everyone. I know it wasn’t easy. I think, in the end, we found a good solution to everyone’s concern,” sinabi ni Marcos.

Ang kasunduan ay pinirmahan nina MIC President at Chief Executive Officer Rafael Consing Jr. at SGP chairman Henry Sy Jr.

Ito ang kauna-unahang investment ng MIC mula nang itayo ito noong Hulyo 2023.

Sa ilalim ng kasunduan, bibili ang MIC ng preferred shares sa SGP, na nagbibigay sa pamahalaan ng 20% na bahagi ng kompanya.

Ang kompanya ay may hawak ng 40.2 percent effective ownership ng NGCP, ang power grid ng bansa.

“Once the acquisition is completed, we shall be entitled to two out of nine seats in the SGP board, after the total seats are increased from seven to nine. At NGCP, the government gains representation through two out of 15 board seats, following an increase in the total seats from 10 to 15,” paliwanag niya.

Nakikita sa investment na ito ang isang mahalagang hakbang ng pamahalaan na magkaroon ng kontrol sa power infrastructure ng Pilipinas.

Mula noong 2009, ang NGCP ay may full control sa pamumuno at operasyon ng transmission system ng bansa sa ilalim ng 25-year concession na iginawad ng Kongreso.

Binibigyang pagkakataon din ng kasunduan ang posibilidad ng 25-year extension. RNT/JGC