Home OPINION MAHIGIT 9,000 HEALTH PACKAGES ITINAAS NG PHILHEALTH, EPEKTIBO NA!

MAHIGIT 9,000 HEALTH PACKAGES ITINAAS NG PHILHEALTH, EPEKTIBO NA!

EPEKTIBO ngayong buwan ng Enero, 50 porsyento ang halaga ng nasa mahigit 9,000 health packages itinaas ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) sa kabila ng kawalan ng inilaang subsidiya sa ipinasa at nilagdaang budget ng pamahalaan para sa taong 2025.

Ayon sa PHILHEALTH Circular No. 2024-0037, ang pagtaas ay ginawa upang madagdagan ang support value, mabawasan ang out-of-pocket payment (OOP), mapataas ang financial risk protection, at masiguro ang epektibong paghahatid ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan.

Pinagtitibay rin ang case-ba­sed payments at ina-adjust ang case rates upang tumugma sa health inflation, na nagpapakita ng malakas na komitment na ga­wing mas abot-kaya at naaabot ang serbisyong pangkalusugan.

Ang nasabing circular ay ni­lagdaan ni PHILHEALTH President at Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma, Jr. noong December 23, 2024.

Isa sa mga pakete na may dagdag na benepisyo ay ang pag­gamot sa low-risk pneumonia, na ngayon ay sasagutin ng state health insurer hanggang Php 29,250 mula sa dating Php 19,500 lamang.

Kasama rin ang kidney transplants at angioplasty para sa heart attack. Ang kidney trans­plantation package na dati ay Php 600,000 lamang ay Php Php 800,000 hanggang Php 2 million benefits package na.

Ang angioplasty na dati ay nasa Php 30,000 lamang ay aabot na sa Php 530,000.

Hindi naman kasama sa pag­taas ang mga sumusunod na pakete:

– Mga benefit packages na kasalukuyang isinasailalim sa ra­tionalization tulad ng acute stroke (ischemic, hemorrha­gic); pneumonia (high risk); neonatal sepsis; bronchial asthma in acute exacerbation; severe dengue; ischemic heart disease – acute myocardial infarction; at COVID-19.

– Mga benefit packages na isinasailalim sa re-costing at na­katakdang baguhin katulad ng breast cancer.

– Mga bagong naaprubahang benefit packages simula 2023 katulad ng outpatient package para sa mental health.

– Mga kaso na may mataas na panganib para sa moral ha­zard at/o adverse incentives ka­tulad ng cataract procedure at hemodialysis.

– Mga benefit packages na binabayaran sa pamamagitan ng ibang provider payment me­chanisms katulad ng PHILHEALTH Konsulta.
Nagpatupad na rin ang PHILHEALTH ng mga benepisyo para sa outpatient o mga pasyenteng hindi kailangang ma-confine si­mula ngayong taon sa pamamagitan ng emergency care package.

Matatandaan na noong February 14, 2024, ipinatupad ng state health insurer ang hanggang 30 porsyento na pagtaas sa lahat ng benefit case packa­ges upang mabawasan ang out- of-pocket expenses ng mga Fi­lipino na kumukuha ng serbisyong pangkalusugan gamit ang PHILHEALTH.

Pakiusap naman ng PHILHEALTH sa mga pribadong os­pital na huwag sabayan ng pagtataas ng presyo sa kanilang mga serbisyo at professional fees ng mga doktor
ang hakbang ng State health insurer para maramdaman ng mga Filipino ang bahagyang kaginhawaan pag­dating sa kalusugan.