Home NATIONWIDE 2 Tsinong aalis ng Pinas arestado sa pekeng dokumento

2 Tsinong aalis ng Pinas arestado sa pekeng dokumento

MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dalawang pasaherong Chinese na nagtangkang umalis ng bansa na may mga pekeng dokumento sa imigrasyon.

Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na naharang ang dalawang pasahero sa departure area ng NAIA Terminal 1 noong Linggo bago sila makasakay sa flight ng Philippine Airlines patungong Bangkok.

Kinilala ng BI ang mga naarestong dayuhan na sina Wang Dingku, 31, at Su Zhengkun, 25, na kapwa nakakulong sa BI holding facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang isinasagawa ang deportation proceedings.

Ayon kay Viado, hindi pinaalis ang mga pasaherong Chinese at sa halip ay inaresto matapos maaktuhan na pumasok sa bansa na may mga pekeng visa.

“We commend the immigration officers involved for their vigilance in detecting the fraudulent travel documents that these aliens used to circumvent our immigration laws and enter our country illegally,” ayon sa BI chief.

Ang mga kasong paglabag sa Philippine immigration act ay isasampa laban sa kanila sa BI board of commissioners na maglalabas ng kautusan para sa kanilang summary deportation. JR Reyes