ISANG makasaysayang tagumpay ang sumalubong sa mga miyembro ng Pag-IBIG Fund ngayong taong 2026, matapos opisyal na ianunsyo ang pinakamataas na dividend rates sa loob ng halos limang dekada. Ito ay bunsod ng rekord na P65.28 bilyon na net income ng ahensya noong 2025, na direktang ibabalik sa bulsa ng mga manggagawang Pilipino.
Para sa taong 2025, ang Regular Savings dividend rate ay umakyat sa 6.62%, habang ang tanyag na Modified Pag-IBIG 2 (MP2) Savings ay pumalo sa 7.12%. Ang kabuuang halaga ng dividends na ipapamahagi ay umabot sa P64.34 bilyon — ang pinakamalaki sa kasaysayan ng Fund.
Ang pambihirang tagumpay na ito ay malinaw na repleksyon ng mahusay at tapat na liderato ni CEO Marilene Acosta. Sa ilalim ng kanyang matalinong pamamahala, napanatili ng Pag-IBIG Fund ang isang 98.6% payout ratio, na higit na mataas sa itinakda ng batas.
Ang kanyang “hands-on” na estilo at malasakit sa bawat miyembro ang naging pundasyon upang mas higitan pa ang mga target ng ahensya taon-taon.
Dahil sa tiwalang ipinamalas ni CEO Acosta, lalong tumatag ang kumpyansa ng mga miyembro na iimpok ang kanilang pinaghirapang pera sa Pag-IBIG. “Ang aming mandato ay hindi lamang protektahan ang inyong ipon, kundi siguruhing ito ay lalago nang may integridad,” pahayag ni Acosta. Ang kanyang liderato ang nagsilbing tulay upang ang bawat piso ng miyembro ay maging instrumentong pang- ekonomiya na nakatutulong din sa abot-kayang pabahay para sa mas maraming pamilya.
Sa rekord na P1.23 trilyong assets at dambuhalang kita, napatunayan ng Pag-IBIG Fund na sa ilalim ng tamang pinuno gaya ni CEO Acosta, ang pangarap na seguridad sa pananalapi ay hindi lamang posible, kundi garantisado para sa bawat Filipino.






