Home NATIONWIDE Malakanyang, inimbitahan si VP Sara dumalo sa bicam talks ukol sa 2027...

Malakanyang, inimbitahan si VP Sara dumalo sa bicam talks ukol sa 2027 budget

1
0

MANILA, Philippines – Hinikayat ng Malakanyang si Vice President Sara Duterte na dumalo sa deliberasyon ng bicameral conference committee kaugnay sa panukalang P7.2-trillion national budget para sa 2027 kung may alalahanin ito na maaari gamitin ang national budget laban sa kanya sa impeachment trial.

Ang paghikayat na ito ng Malakanyang ay matapos na banggitin ni VP Sara ang mga “alegasyon” ng “cash distribution at political maneuvering” kaugnay ng panukalang pambansang budget para sa 2027.

Sa isang post sa social media, kinuwestiyon niya kung ginagamit ang budget para pagsilbihan ang sambayanang Pilipino, o naging “bargaining chip” na ito para i-pressure ang mga senator-judge.

Kaagad namang niresbakan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang pahayag na ito ni VP Sara sabay sabing walang ebidensiya ang huli para sa kanyang alegasyon.

“Madaling magturo, mahirap patunayan. Kung siya’y may duda sa budget na ito, alam naman natin nasa kaninong kamay ngayon ang nagsasagawa ng budget, ito ay nasa Kongreso,” ayon kay Castro.

“So kung mayroon siyang duda para maliitin ang impeachment court, mas maganda sigurong umupo siya sa bicam conference, kung meron man. Para mas maintindihan niya kung saan mapupunta ‘yung budget at paano ito ginagastos na hindi napupunta sa bulsa ng iilang tiwali sa gobyerno,” dagdag na wika nito.

Nauna rito, sinabi ni VP Sara na ang taumbayan ay maaaring mabalewala kung ang impeachment at national budget ay ginagamit bilang “instruments of political survival of the corrupt.” (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here